Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

BSP maglalabas ng P1K bill na gawa sa plastic

0 172

Magpapagawa ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng 500 milyong bagong tig-P1,000 na pera na ilalabas nito mula 2022 hanggang 2025.

Tinawag ni BSP governor Benjamin Diokno na limited circulation ang mga bagong P1,000 na perang plastic na ilalabas nito para pag-aralan kung gaano ito tatagal.

Nagkaroon na aniya ng kasunduan ang BSP sa Reserve Bank of Australia para dito. Ang Australia ang isa sa mga naunang maglabas ng plastic na pera sa mundo.

“Limited circulation test of 1000 peso polymer banknotes,” ang tawag ni Diokno sa P500 bilyong halagang bagong perang plastic na ilalabas.

Sabi ni BSP deputy governor Mamerto Tangonan, pinili nila ang P1,000 na pera na pag-aralan dahil ito ang pinakamaraming inisyu at ito rin ang pinakapinepeke.

Dagdag niya, mas mahal gawin ang plastic na pera ngunit mas tatagal naman ito kaysa sa ginagamit ngayon na gawa sa abaca.

Ayon sa BSP 2020 Audit Report, nasa 1.53 bilyong piraso ng P1,000 na perang papel ngayon ang nasa sirkulasyon. Mas marami ito kaysa sa 1.22 bilyong piraso noong 2020.

Ang susunod na pinakamaraming perang papel ay ang P20 na may 1.31 milyon piraso ang nasa sirkulasyon. Nasa 29.36 milyong piraso naman ng mga P20 na barya ang nasa sirkulasyon na rin.

Sabi ni Diokno, 14 na taon na pinag-uusapan sa BSP ang paglipat sa polymer bank notes. Hindi ito umuusad noon dahil sa pagtutol ng ilan na nag-aalala sa maaaring maging epekto nito sa industriya ng abaca ng bansa.

Gumagamit kasi ng abaca ngayon ang mga perang papel ng bansa at sa Pilipinas natatagpuan ang mga abaca na ginagamit dito. (Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.