Una sa Balita

BSKE 2018

By
0 1,241

Ngayong Mayo katorse, muli po nating ipapamalas ang kapangyarihan ng demokras­ya dito sa ating bansa.

Ang barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) 2018 ay pagkakataon para magamit natin ang ating sagradong tungkuling pumili ng mga taong mamumuno sa 42,036 barangay sa buong Pilipinas.

Piliin po natin ang mga nag-a-apply para ma­ging barangay captain at kagawad na may puso sa paglilingkod at may banal na takot sa Diyos. Kilatisin po natin sila at huwag basta padadala sa kanilang mga campaign poster o jingle.
Kung sa pagpili ng sapatos na bibilhin, talagang pinag-iisipan po natin, bakit naman hindi sa mga taong gagabay sa pang-araw-araw nating pamumuhay sa barangay?

Tandaan po nating bagama’t isang araw lang ang BSKE, tatlong taong pamumuno po ang kasunod nito. Kung karapat-dapat sa ating boto ang bawat barangay leader na ating ihahalal, tayo rin po ang magtatamasa ng isang maayos, payapa at maunlad na komunidad sa loob ng tatlong taon.

Sa mga kabataang edad 15-17, pagkakataon ito para pumili ng mga lider na magrerepresenta sa inyo sa SK. Hindi barkadahan ang layunin ng SK bagkus ito’y instrumento para aktibo kayong makiisa sa mga progra­mang pangkaunlaran sa inyong komunidad.

Bilang chairman po ng Kristyanong Kabataan Para sa Bayan (KKB) Movement, ang isa sa pinakamalaking youth organization sa bansa, masasabi ko pong nasa mga kamay ng kabataang Pinoy ang tunay na pagbabago.

Tunay, napakahalaga po ng papel ng bawat barangay sa kaunlaran ng buong bansa. Katuwang sila sa pagpapatupad ng iba’t ibang programa ng pamahalaan lalo na ang emergency employment ng DOLE, skills training ng TESDA, livelihood prog­rams ng DSWD at mga job fair ng PESO.

Malaking papel rin ang ginagampanan ng mga barangay para umusbong ang mga negosyo sa komunidad. Maliban sa pagbibigay ng clearance, maaari rin silang gumawa ng mga ordinansa para tiyaking business-friendly ang barangay.
Kung buhay ang mga negosyo, dadaloy po ang trabaho sa ating mga barangay.

Alinsunod sa adhikaing ito, isinumite po natin ang Senate Bill 1013 upang ayu­sin ang mga hakbang na isinasagawa ng Comelec sa pagpapatala ng mga botante para sa barangay elections. Pag-amyenda po ito sa Republic Act 8189 o ang ‘Voter’s Registration Act of 1996’.

Hindi po pinapayagan ng ating panukalang batas ang pagpapalipat ng tirahan o place of residence ng isang botante sa Comelec sa loob ng 180 araw bago ang barangay o regular elections.

Suportahan po natin ang mga kandidatong nakahandang itaguyod at palakasin ang kabuhayan, trabaho at negosyo sa mga barangay para guminhawa ang buhay ng ating mamamayan.

Kaisa niyo po ako sa isang mapayapa, makabuluhan at matagumpay na BSKE 2018.

Job Fair Schedule

Aldo Ning Balen Guagua Job Fair
Plaza Burgos, Guagua, Pampanga
May 15
LGU Butuan City Mega Job Fair
North Atrium, Robinsons Place, Butuan City
May 15
University of St. Louis’ Job Fair
Tuguegarao City, Cagayan
May 15
LGU-Burgos Job Fair 2018
Burgos Community Center, Burgos, Isabela
(senatorjoelvillanueva@yahoo.com)