Una sa Balita

Brownout pasakalye sa sweetheart deal ng Meralco-MVP

0 230

SINUPALPAL ng Bayan Muna ang Manila Electric Company (Meralco) ni Manny V. Pangilinan na huwag magtatangkang samantalahin ang kasalukuyang power supply situation para ipagpilitan na maaprubahan ang pitong power supply agreements (PSAs) na tinaguriang “sweetheart” at “midnight” deals.

Kung ang tunay na hangarin umano ng Meralco ay mapalakas ang kanilang kapasidad ay dapat idaan ito sa tama at ligal na proseso.

“Hindi ‘yung gagamitin ng Meralco ang nakakadudang red and yellow alerts ngayon upang itulak ang mga planta nila lalo pa ang Atimonan One sa Quezon.
Nakakapagtaka din talaga at pinalusot ito ng Energy Regulatory Commission (ERC) at minamadali ng Department of Energy (DOE),” pahayag ni Bayan Muna chairman at Makabayan senatorial bet Neri Colmenares kahapon.

Binigyang-diin nito na dapat dumaan ang pitong PSA ng Meralco sa bidding o competitive selection process (CSP).

“Submit the P/kWh negotiated between Meralco and its own power generation companies to a price challenge by other power generation companies. This will ensure that power prices are competitive, and will not be oppressive to its consu­mers,” dagdag ni Colmenares.

Kaugnay nito, isiniwalat naman ng isang opisyal ng DOE na iimbestigahan ng ahensiya kung nagkaroon ng sabwatan ang mga power plant bunsod ng nararanasang kakapusan sa suplay ng kuryente na nagresulta sa implementasyon ng rotating brownout sa Metro Manila at iba pang panig ng Luzon.

“Kinokonsider din ng DOE na pag-aralan ‘yung sitwasyon na ito… na ito ba ay talagang insidente o mga insidente na nangyari na ang isyu ay teknikal at hindi nagkakaroon tayo ng tinatawag nating manipulasyon sa merkado ng kuryente,” saad ni Mario Marasigan, head ng Electric Power Industry and Management Bureau ng DOE sa isang programa ng GMA News.

Nitong Miyerkoles at Huwebes, isinailalim sa red alert ang Luzon grid kaya’t nakaranas ng rotational browout ang mga customer ng Meralco sa Metro Manila at iba pang lalawigan.

Kabilang sa mga bumigay na planta ay ang 647MW Sual U1 na Abril 9 pa hindi umaandar; 150MW SLPGC U2 na Abril 7 pa nawala sa linya; 420MW Pagbilao U3 na Abril 2 pa pumalya at 135MW SLTEC U1 na Marso 20 pa hindi umaandar. (Aries Cano/Eileen Mencias)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy