Una sa Balita

Brodkaster sugatan sa pananambang

0 270

Sugatan ang isang broadcaster matapos na paulanan ng bala ng hindi pa kilalang suspek ang sasakyan nito, Biyernes ng umaga sa Tagum City, Davao del Norte.

Kasalukuyang nagpapagaling sa Medical Mission Group Hospital and Health Services Cooperative sanhi ng tinamong tama ng bala sa katawan ang biktimang si Paterno Lucero Pacquiao, 54, Public Information Officer (PIO) ng Tagum City, broadcaster at may-ari ng 99.9 RP FM.

Sa ulat ni Police Lt. Ariel Acala, officer in charge ng Tagum City Police Station, naganap ang insidente dakong alas-8:06 ng umaga sa kahabaan ng Purok White Dove, Barangay Visayan ng nabatid na lungsod.

Lulan ng kanyang kulay puting Ford Eco Sport ang biktima at pauwi na sana ng kanilang bahay mula sa kanyang pang-umagang programa sa radyo nang sabayan ng hindi pa kilalang armadong suspek lulan naman ng isang Yamaha na motorsiklo at paulanan ng bala ang sasakyan nito.

Nakuha namang makaiwas ng biktima nang tutukan siya ng baril ng suspek dahilan ng tinamo nitong tama sa katawan.

Matapos ang pangyayari ay mabilis namang tumakas ang suspek sakay ng kanyang motorsiklo habang dinala naman sa nabanggit na pagamutan ng mga sumaklolong bystander ang bitkima.

Nakakuha ng mga basyo ng bala ng kalibre .45 baril ang pulisya sa lugar ng insidente habang patuloy ang imbestigasyon kung ano ang motibo ng suspek sa nasabing pananambang. (Edwin Balasa)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy