Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Bro Code

0 185

Sa Martes, sa ikaapat na pagkakataon ngayong panahon ng pandemya sa paanyaya nina Undersecretary Tonisito Umali at G. Romy Parayno, magkakaroon ako ng pambansang webinar para sa Kagawaran ng Edukasyon na gugunita sa ika-170 taong kapanganakan ni Paciano Rizal Mercado.

Tama po, siya ang nakatatandang kapatid ng ating National Hero na si Dr. José Rizal, ang isa sa pinakamalaking impluwensya ng pagiging makabayan ng kanyang kapatid na si Pepe. Subalit, sa lekturang “Bro Code: Mga Aral Mula sa Buhay ni Paciano Rizal Mercado, Heneral ng Himagsikan,” nais kong ibahagi na hindi lamang iyon ang papel niya sa bayan, gaano man kahalaga iyon, kundi mas higit pa.

Walang masyadong tala kahit ang mga kaanak ukol sa naging buhay ni Paciano. Naging tikom ang kanyang bibig ukol sa naging ugnayan nila ng kanyang pamosong kapatid. Kumbaga, isinabuhay niya ang sinabi ni Emilio Jacinto, “Matutong ipaglihim ang dapat ipaglihim.” Bro Code.

Tumira si Paciano sa bahay ni Padre José Burgos at ipinapalagay na ikinuwento niya sa nakababatang kapatid ang trahedyang naganap sa sa kanya at sa dalawang pari nang idawit sila sa mga kaguluhan ng 1872. Ang nangyari sa mga paring GomBurZa ay tumatak kay Pepe kaya naman pagdating ng panahon iaalay niya ang kanyang nobelang El Filibusterismo sa tatlo.

SM food to go Banner Ad

Siya ang kumumbinsi sa matalinong si Pepe na umalis patungong Espanya upang tuparin ang pangarap na siya sana ang magsasakatuparan—ang ipaglaban ang bayan bilang isang Ilustrado gamit ang kanyang panulat. At habang nasa ibang bansa ang kapatid, siya ang obrerong kumayod sa bukid upang mapadalhan lamang ito ng pera kapag nangailangan. Sa pagbagsak ng presyo at demand sa asukal mula sa Calamba, hindi na makapagbayad ng renta ang pamilya Rizal kaya pinalayas sila ng mga Dominikano. Hinuli rin si Paciano at sa kabila ng lubos na pagpapahirap ay tikom ang kanyang bibig at hindi idinawit ang kanyang kapatid.

At nang hatulan ng kamatayan si Rizal noong 1896, balak sana itong iligtas nina Andres Bonifacio ngunit pinigil sila ni Paciano. Ayon sa kanya, hindi nanaisin ng kanyang kapatid na magbuwis ng dalawang buhay para lamang sa kanyang iisang buhay.

Pilit kong iniintindi kung bakit tahimik si Paciano ukol kay Rizal. Pihadong mapait na alaala ang trahedyang nangyari sa kapatid na hindi sana mangyayari kung hindi niya ito pinatungo sa Europa? Hindi kaya naisip niya rin na siya mismo ang nag-alay ng kanyang kapatid tungo sa kanyang kamatayan sa kapakanan ng bayan?

Kung pinagsisihan niya ito, hindi ito makikita sa mga sumunod niyang ginawa. Naging heneral ng Himagsikang Pilipino na nagpalaya ng Laguna noong 1 Setyembre 1898 at tumulong din sa pagpapalaya ng Batangas. Nang mahuli ng mga Amerikano, inalok ng posisyon sumumpa lamang ng katapatan sa watawat ng mga Amerikano. Ngunit kanya itong tinanggihan. #SanaAll Paciano Rizal, Marangal.

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.