Una sa Balita

Brgy. Health Worker Act aayusin ni Doc Willie

0 153

SA mga problemang kinaharap ng bansa pagdating sa kalusugan ay ang kakulangan ng mga doktor na pumapayag pumunta sa malalayong probinsya upang magbigay tulong sa kalusugan ng mga mamamayan doon.

Sa exclusive interview ng Abante sa ‘Doktor ng Masa’, ipinahayag ni Doc Willie Ong na nais niyang tulungan ang mga Barangay health wor­ker (BHW) na silang tumutulong sa mga mamamayan sa liblib na lugar.

“May 400,000 barangay health workers tayo, sila talagang unang tumitingin. Bawat isang health worker titingin ng 20 families at meron na silang batas para sa kanila itong RA7883,” saad ni Ong.

Sa kabila ng pagkakaroon ng batas para sa mga BHW, isyu pa rin umano ang kakulangan ng benepisyong nakukuha ng mga BHW mula rito.

“Ang problema dito sa batas ng health worker, ang binibigay na allowance sa kanila P500 to P1,000 per month, ganu’n lang kababa. At ang mga barangay health worker wala pang PhilHealth kaya kawawang-kawawa. Papano sila makakaserbisyo? Tapos ‘yung barangay health station mga walang gamit, so paano nila matutulungan o matse-check-up ‘yung 20 families? So kailangan tulungan natin ‘to,” aniya.

Nais umano ng doktor na tulungan ang mga BHW sa pamamagitan ng pagsasaayos ng naturang batas.

“Hindi ako magpa-promise ng sobrang ma­laki, ang nakita kong doable maitaas lang ‘yung P1,000 a month,” saad ni Ong.

“Tapos ‘yung DOH tutulungan sila sa mga pag-aaral nila. Ito ang talagang nakakaligtaan kaya kailangang baguhin itong batas sa barangay health workers. ‘Yun po ang priority natin,” dagdag pa niya. (Jobelle Macayan)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy