Una sa Balita

Brgy. 181 at 182 sa Caloocan, 1-buwan walang ilaw at tubig

By
0 109

Pinangangamba­hang maging ‘ghost town’ ang dalawang barangay sa Caloocan City kung saan mahigit isang buwan na itong madilim dahil walang suplay ng kuryente at tubig.

Ang dahilan, away sa lupa sa pagitan ng mga residente ng Pa­ngarap Village, Brgy. 181 at 182 at ng pamunuan ng Carmel Farms Inc. (CFI).

Umaabot sa 33,000 ang mga residente sa nasabing mga barangay na may lawak na 156 ektarya.

Abante Hiring – IT dep

Lumalabas na noong nakalipas na Hulyo ay nasira ang linya ng tubig at kuryente dala ng masamang panahon at ang main switch nito ay nakalagay sa lupa na pag-aari ng CFI.

Sa tuwing kukumpunuhin ito ng mga tauhan ng Meralco, hinaharang ang mga ito ng mga tauhan ng CFI at hindi rin sila pinapapasok sa loob ng compound.

Dahil sa kawalan ng tubig at kuryente, apek­tado ang pag-aaral ng mahigit 1,000 estudyan­te sa Pangarap Village Elementary School at Pangarap Village National High School.

Bunga nito, naghain ng petisyon ang Parents-Teachers Association (PTA) ng mga nasabing paaralan sa Caloocan City Regional Trial Court (RTC) ng temporary restraing order (TRO) at ng preliminary writ of injunction na ang pagbabawal ng pagkumpuni ng linya ng tubig at kuryente ay pag­labag sa karapatan ng mga mag-aaral.

Anila, kung tuluyang hindi na manunumbalik ang suplay ng tubig at kuryente, mapipilitang mag-shut down ang o­perasyon ng dalawang public schools.

Umaksiyon na si Ma­yor Oscar Malapitan sa suliranin sa pamamagitan ng pagliham sa Meralco at Maynilad na gawan ng paraan ang concerned ng mga taga-Brgy. 181 at 182 na mabigyan ng tubig at kuryente.

Nangangamba ang alkalde sa magiging epekto ng problemang ito sa mga estudyante, sa seguridad ng mga residente at kalusugan ng mga ito.

Karamihan sa mga residente doon ay empleyado at awardees ng Malacañang noong panahon ng rehimeng diktador. (Orlan Linde)