Una sa Balita

Mga bangko na ayaw magbibigay ng dagdag na P1,000 sa SSS pensioners, tatanggalan ng accreditation

By
Social Security System (SSS)
0 7

Kakanselahin ng Social Security System (SSS) ang accreditation ng mga depository bank na hindi magbibigay ng P1,000 na dagdag-pensyon sa mga pensioners ngayong araw, March 3, 2017.

Ayon kay SSS Chairman Dean Amado Valdez, malinaw ang kanilang direktiba na dapat ibigay ngayong araw ang unang wave ng P1,000 na dagdag-pensyon mula sa hindi naibigay noong buwan ng Enero.

Dahil retroactive ang dagdag na pensyon, hinati ng SSS sa tatlong bigayan na may petsang March 3, March 10 at March 17 ang hindi naibigay na umento simula noong Enero.

Hinikayat din ni Valdez ang mga pansioners na ipagbigay-alam sa kanilang tanggapan sakaling makaranas sila ng panggigipit o antala mula sa mga depository banks.

Iginiit ng SSS na nai-deposito na nila ang P2.04 bilyon noong February 27, 2017 sa mga depository banks kaya’t wala na umanong dahilan para maantala pa ang matatanggap na dagdag-pensyon ng mga SSS pensioners.

“Kapag napatunayan na may mga depository banks na hindi nagbigay ng P1,000 ngayon araw, pwede nating i-suspend or kanselahin ang kanilang accreditation bilang partner depository bank ng SSS. Dapat maibigay na ito agad dahil naideposito na natin ang pondo para sa pension increase,” wika ni Valdez.

Maaari ring iparating ang reklamo sa SSS Hotline na may numerong 920-6446 hanggang 55 o mag-email sa member_relations@sss.gov.ph / Facebook account: SSSPH.