Una sa Balita

BREAK A LEG: Salamat sa Diyos, wala na ang bagyong Maring

By
0 6

May kinitil na buhay si Maring.

Bagama’t walang taglay na malakas na hangin, si Maring ay nagbuhos ng malakas na pag-ulan.

Milyong piso ang iniwang pinsala sa sektor ng agrikultura at imprastruktura. Matinding ­nahagupit ang mga lalawigan ng Laguna at Quezon.

Ang mga nasawi ay biktima ng “flash flood”.
Ano ba ang “flash flood”?

Ang sabi ng wiki dictionary, ang “flash flood” ay biglaang pagbaha, dala ng malakas na pag-ulan.

Noon naman ay wala sa bokabularyo ng mga ‘city planner’ ang salitang “flash flood”.
Ngunit ngayon, sa anumang forum at usapan lalo na sa mga isyung pangkalikasan ang terminong “flash flood”, tiyak lulutang.

Ang mga lugar na dating hindi binabaha ay bigla na ­lamang naging parang ilog, sabi nga ng mga nakatatanda, nakapanghihilakbot, kung kailan sila nagkauban at saka nakaranas ng ­biglaang paglaki ng tubig.

Ano ang pwedeng dahilan ng “flash flood”?

Ilan sa pwedeng banggitin ay ang kawalan ng sapat na ­kakayahan ng lupa na higupin ang ulan.

Pagkawala ng natural na daanan ng tubig. Nasira dahil sa ‘conversion’ ng mga lupang-sakahan.

Pagkaubos ng mga puno na natural na panglaban sa ­‘erosion’ at mga ‘landslide’.

At ang pagiging ganid ng mga ‘developer’, na isa sa mga pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng “flash flood”.

***

Kamakailan lamang, nagulantang ang mga Pinoy na may kamag-anak sa Estados Unidos sa aksiyon ni US President Donald Trump na ipatatapon sa kani-kanilang mga bansa ang mga batang legal na pumasok sa America.

Ang tinutukoy ko rito ay ang kontrobersiyal ‘Deferred ­Action for Childhood Arrivals o DACA’ na umiral sa panahon ni dating US President Barack Obama.

Apektado rito ang may walong daang libong mga (800,000) mga kabataan mula sa iba’t ibang panig ng daigdig kabilang dito ang mga kabataang Pinoy.

“Socially sensitive” ang usapin ng “immigration”, kaya naman para sa mga pulitikong-Amerikano puwedeng sakyan ito, lalo na’t papalapit ang 2018 US midterm elections.

Ang eleksiyong ito ay magaganap sa kalagitnaan ng ­termino ni Trump. Paglalabanan sa eleksiyong ito ang ­mahigit sa apat na raang puwesto sa US House of Representatives at tatlumpu’t tatlo sa isang daang puwesto sa Senado ng ­Amerika.

Sa eleksiyong ito ihahalal din ang mga state governors.
Saan ba natuto ang mga pulitikong Pilipino kapag may eleksiyon?

***

Nasa “Ber months” na ang Pilipinas.

Natural lamang na paghandaan ang panahon na ito. Tiyak kasi kabi-kabila na ang gastos ni Juan Dela Cruz.

Sigurado walang mintis, tataas ang presyo ng mga bilihin lalo na ang bayarin sa kuryente.
Hindi kasi kumpleto ang Pasko ng mga Pinoy ‘pag walang Christmas tree. Paldo na naman ang Meralco at iba pang ­energy company.

Napapanahon na talagang maghanap ng mga alternatibong pagkukunan ng enerhiya.

Sagana ang Pilipinas sa sikat ng araw, kaya ang tinatawag na “solar energy” ay napapanahong teknolohiya.

Kamakailan, pinasinayaan ni Pangulong Duterte sa ­Batangas ang pagbubukas ng Solar Philippines. Target ng kompanya na magkaroon ang mga Pilipino ng murang ­kuryente.

Kung mapapababa at magiging “affordable” sa lahat ang “solar energy” malaking pabor ito sa mga Pinoy household na ‘hostage’ palagi sa pagtaas ng bayarin sa kuryente.

***

Pasok sa ‘national television newscast’ ang mga pulis ng QCPD Station-9 (Anonas Station).
Mantakin mo naman, pumasok sa isang inuman sa may Katipunan.

May OPLAN BAKAL daw. Ang mga nagkakasayahan nagulat, bakit may parak sa kanilang harapan.

May permiso raw ang mga pulis sa may-ari ng resto bar.
‘Kaw ba naman maka­katanggi, kung kaharap mo ay armadong parak.

Agad ‘to the rescue’ sa kanyang mga pulis si ­District Director Guillermo Eleazar.

Kaya mga taga-QC, mag-inom na lang sa loob ng bahay, ‘wag lang masyadong maingay at sa ­pulis isumbong kayo ng inyong (kagalit na) kapitbahay.