Una sa Balita

Botohan sa protesta ni Bongbong muling pinagpaliban

0 369

MULING ipinagpaliban ng Supreme Court (SC) ang tumatayong Presidential Electoral Tribunal (PET) ang deliberasyon ng draft ruling ni Associate Justice Benjamin Caguioa kaugnay ng protestang inihain ni dating senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. laban kay Vice President Leni Robredo.

Ito na ang ikatlong beses na naurong ang dapat sanay botohan sa poll protest ni Marcos.

Sa susunod na Martes, Oktubre 15, itinakda ng PET ang muli nilang pagpupulong.

“The PET did not take any action on the Vice Presidential Election Protest Case during the tribunal’s session today, the said case remains pending and is still being delibera­ted by the members of the tribunal,” ayon kay SC spokesperson Atty. Bria­n Keith Hosaka.

Nauna nang inanunsyo ng Korte Suprema ang pagtatapos ng recount at revision sa 5,415 polling precincts mula sa tatlong tinukoy na pilot province sa inihaing poll protest ni Marcos laban kay Robredo.

Samantala, sinabi naman ni Senador Imee Marcos na todo-dasal ang kanilang pamilya na sana’y maging pabor sa kanila desisyon ng PET sa protesta ng kanyang kapatid na si Bongbong.

Tiniyak naman ng kampo ni Robredo na patuloy ang kanilang pagbabantay sa electoral protest case.

Nanindigan naman si Chief Justice Lucas Bersamin na anuman ang ilabas na desisyon ng PET, si Robredo pa rin ang uupong Vice-President dahil dedesisyunan lang naman ng protesta ni Marcos kung ipagpapatuloy ang pagbusisi sa resulta ng botohan sa ilan pang lugar. (Lorraine Gamo/Dindo Mati­ning)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy