Una sa Balita

Boto kapalit ng pera, sabon, timba at noodles, laganap sa Pangasinan

By
0 1,865

TALAMAK umano ang nangyaring ‘vote buying’­ sa iba’t ibang parte ng Pangasinan, ayon sa Commission on Elections (COMELEC) sa nasabing lalawigan.

Kinumpirma ni COMELEC-Pangasinan provincial election supervisor Atty. Marino Salas, na mayroong vote buying sa ilang lugar sa lalawigan dahil sa natatanggap nilang reklamo laban sa ilang kandidato hinggil sa ginawang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections.

Sinabi ni Salas, karamihan sa rekla­mong kanilang natatanggap ay ang pagbibigay ng pera ng mga kandidato, pamimigay timba, noodles, sabon at iba’t ibang kagamitan.

Aniya, may nagbibigay din ng tinapay na maroon supot ngunit nakaimprenta ang pangalan at larawan ng kandidato.
May nagbibigay din umano ng mga bote ng alak na nakadikit ang pangalan at mukha ng kandidato.

Sinabi ni Salas na puwedeng ma-disquali­fy ang kandidatura ng isang indibiduwal kung kumpleto ang ebidensya laban dito at mapatunayang luma­bag ito sa Comelec Omnibus Code (COC).