‘Botcha’ kalat sa Metro Manila

By

Naglabas ng babala ang lokal na pamahalaan ng Quezon City sa pagkalat ng double dead na karne ng baboy o ‘botcha’ sa lungsod at sa iba pang bahagi ng Metro Manila.

Kasunod ito ng pagkakasabat ng City Veterinary Office ng QC sa mahigit 70 kilo ng botcha kahapon sa Brgy. Sto. Domingo.

Ayon kay City Veterinarian Dr. Anna Marie Cabel, walang tatak ng National Meat Inspection Service (NMIS) ang mga nasabat nilang karne ng baboy kaya’t kinumpiska ang mga ito at ibinaon sa lupa.

Paliwanag ni Cabel, hindi ligtas ang pagkain ng double dead na karne ng baboy dahil hindi tiyak kung malinis ang pagkaka-katay sa mga ito at peligroso kung namatay sa sakit ang mga kinatay na baboy.

“Kadalasan kasi kapag mainit ang panahon tulad ngayong summer season na, maraming baboy ang namamatay sa sobrang init dahil sa heat stroke lalo na kung hindi maayos ang ventilation at sanitation ng isang piggery,” ani Cabel.

Marami umano sa mga namamatay na baboy ay kinakatay pa at inilalako ng patago sa Metro Manila partikular sa mga malalaking palengke tulad ng Balintawak, Blumentritt sa Sampaloc at Divisoria.


SHARE