Una sa Balita

Boracay station 1 sinara sa pag-ebak ng turista

0 275

ISINARA ng mga awtoridad ang bahagi ng Boracay Island nitong Miyerkoles para isailalim sa 48 hanggang 72 oras na paglilinis kasunod ng insidente ng pagdumi ng turistang Chinese sa dalampasigan, ayon kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat.

Kasunod ito ng viral video ng batang pina­dumi ng magulang sa dalampasigan na bahagi ng station 1 ng Boracay. Matapos ang gina­wang pagbabawas ng bata ay tinakpan lang ito ng buhangin ng magulang.

Ayon kay Puyat, pinagbawal niya ang pag­langoy sa nasabing lugar, at nilagyan ng tali upang hindi makapasok ang mga turista habang nililinis ito.

Inatasan din ng kalihim si Boracay Interagency Rehabilitation Group General Mana­ger Natividad Bernardino na hanapin ang turistang Chinese upang masampahan ito ng kaso sa paglabag sa environment ordinance.

Sa umiiral na Anti-Littering Law ng bayan ng Malay, Aklan na siyang nakakasakop sa isla ng Boracay, pinagbabawal ang pagdumi, pag-ihi at pagdura sa pampublikong lugar.

Noong Oktubre 2018 lamang nagbukas ang Boracay matapos isara ng anim na buwan upang sumailalim sa rehabilitasyon ng sewage system.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy