Una sa Balita

Boracay: Paraiso

0 467

Sa wakas ay nagkaroon ulit ako ng pagkakataon na pumunta sa Boracay! Katatapos lang ipag-utos ni Presidente Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na pansamantalang itigil ang pagbubukas nito para isailalim ulit ito sa masusing paglilinis.

Isa ako sa mga unang nakatuklas ng isla. Nagpunta ako doon noong 1988 kasama ang a­king current law partner. Pagkagaling namin sa Bacolod, dala-dala ang aming mabibigat na backpack, dumeretso kami sa Boracay.

Sa Naro’s kami nag-arkila ng kuwarto. Wala pang kuryente at aircon noon doon. At dahil estudyante pa lamang kami e wala kaming sapat na pera. Monay at palaman lang ang dala namin. Pero hindi naman isyu ang pagkain at tirahan. Ang mahalaga ay ang mala-pulbos na puting buhangin at ang malinis na asul na tubig ng Boracay Beach.

Makalipas ang 30 taon at dahil sa malakas at matatag na paninindigan ni Presidente Duterte na gawin ang nararapat, ito ay nanumbalik sa kanyang kamangha-manghang kagandahan at kalinisan.

Tinanggal na ang mga silyang ginamit noon para harangan ang mga taong nagtangka pa ring pumasok kahit ipinagbawal na. Ibinalik sa likas na may-ari ang karapatan sa mga parte ng Boracay na inagaw sa kanila. Pati ang mga maiingay at magugulong banda at parties ay wala na. Mahigpit na ipinatutupad ng mga kaukulang ahensya ang pagpapanatili ng kalinisan doon.

Ang kapuri-puring tagumpay na naabot ng gobyerno ay ang paggiba ng mga istraktura na lumampas sa 30 metrong hangganan ng Boracay Beach. Kahit minsan ay hindi ko inakala na dara­ting ang araw na magigiba ang mga iyon. Ngunit naisagawa ito ni Pa­ngulong Duterte. Talaga namang kagila-gilalas at kahanga-hanga ang tagumpay na ito!

Nang malaman ko ang desisyon ni PRRD na ipasara ang Boracay Beach, tulad ni Secretary Sonny Dominguez, ako ay nagkaroon ng reserbasyon. Naging abogado ako ng marami sa mga may-ari ng mga resort doon kaya kagaya nga ni Sec. Dominguez, inisip ko na mas akma na bahagi lamang nito ang unti-unting isaayos. May karanasan si Sec. Dominguez sa pamamahala ng hotel kaya may basehan ang kaalaman niya ukol dito. Palagay niya, mahirap na hikayatin ulit ang mga parokyano kapag nagkaroon na sila ng panibagong paborito.

Ngunit dahil alam na alam talaga ni PRRD ang kaniyang ginagawa, isinagawa ng gobyerno ang halos imposibleng misyon na buhayin ang mala-paraisong estado ng Boracay Beach.

Maraming salamat PRRD sa pagpapanumbalik mo ng Boracay Beach bilang isa sa mga hiyas na bakasyunan dito sa Pilipinas!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy