Una sa Balita

Boracay closure hinabol sa Korte Suprema

By
0 2,490

KINUWESTIYON ng mga manggagawa mula sa Boracay ang ligalidad ng ginawang pagpapasara ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isla, isang araw bago maging epektibo ang closure order nito.

Sa pamamagitan ng National Union of People’s Lawyers, hiniling ng mga manggagawa sa Korte Suprema na pigilan ang gobyerno sa desisyon nitong ipasara ang Boracay sa loob ng anim na buwan.

Iginiit din ng mga naghain ng petisyon na payagan ang mga turista sa isla kahit pa mayroong isasagawang rehabilitasyon.

Una nang hiniling ng mga negosyante na magkaroon ng ‘phased rehabilitation’ dahil ang pagpapasara sa Boracay ay magreresulta umano sa pagkalugi ng mga negosyo dito at pagkawala ng trabaho ng may 17,000 mga tourism worker at 11,000 mga construction worker.

Samantala, sa kabila ng inihaing petisyon sa Korte Suprema ay inanunsyo na ang pansa­mantalang pagsasara ng Boracay sa mga turista simula alas-12:01 ng hatinggabi ngayong Huwebes.

Ayon kay Department of Environment and Na­tural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu na nasa kasalukuyang nasa Boracay, nakapagsagawa na sila ng security simulation exercise at kahit na wala pang Executive Order na magdedeklara ng pagsasailalim sa state of calamity sa Boracay ay tuloy na ang pagsasara nito para sa rehabilitas­yon.

Tanging ang mga residente ng Boracay lamang na pawang inisyuhan ng terminal passes at ID ang papayagan na makapasok sa isla mula sa Caticlan Jetty port.

Sinabi ni Cimatu na mananatili siya sa Boracay para pangasiwaan ang rehabilitasyon na gagawin sa isla kung saan una na dito ang pag-iisyu sa mga may-ari ng establisimiyento gayundin sa mga informal settler ng notice to vacate.

Rerebyuhin din umano ang Boracay Master Plan kung saan idadamay din sa rehabilitasyon ang kalapit na mga isla upang lalong palakasin ang turismo sa Northern Aklan region. Kasama rin umano sa tututukan ay ang mga katutubong nakatira sa isla.