Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Booster shot susi sa Metro Manila Alert Level 1

0 153

Makakatulong ang pamimigay ng booster shot sa publiko para maibaba sa Alert Level 1 ang status ng isang lugar.

Ito ang inihayag sa Laging Handa public briefing ni OCTA Research fellow Dr. Guido David bilang reaksyon sa mungkahi ng Metro Manila Mayor na ibaba na sa Alert Level 1 ang alert status sa Metro Manila.

Ayon kay Guido, bukod sa hospital care utilization rate, level of contamination at iba pang pinagbabatayan para magbaba ng alerto, maaari ding gawing criteria o pamantayan ang mataas na bilang ng mga nabigyan ng booster shot.

“We are hoping na mapataas pa natin yung boosters natin especially sa NCR since marami tayong supply ng vaccines. Siguro isa yan sa pwedeng criteria for downgrading to alert Level 1 kung mataas na rin iyong coverage natin for boosters,” ani David.

Kapag aniya marami na ang may dagdag na protection mula sa booster shot, mas malaki ang porsyento na hindi na tataas pa ang kaso ng COVID-19.

Mahalaga aniyang matingnan muna ang mga numero at metrics na pinagbabatayan sa pagtatakda ng alert status sa isang lugar para masigurong tama ang mga ito at hindi magkamali at magsisi sa bandang huli.

Magkagayunman, sinabi ni David na nasa pagpapasya na ng MMDA at Inter-Agency Task Force kung ano ang desisyon sa hirit na ibaba sa alert level 1 ang National Capital Region.

“Desisyon naman yan ng MMDA at IATF, pero mas magandang tingnan natin iyong numbers at kung ano iyong mahalagang metrics,” dagdag ni David. (Aileen Taliping)

Leave A Reply

Your email address will not be published.