Una sa Balita

Boobay napapaligiran ng mga anghel

By
0 445

Ramdam mo ang kabaitan ni Norman Balbuena o mas kilala bilang Boobay kapag kasama mo siya. At kahit wala siya sa tabi mo, tanungin mo ang mga taong nakakasama niya, ganun at ganun pa rin ang mararamdaman mo, ang kabaitan niya.

Kaya hindi na ako nagtataka na maraming ‘anghel’ sa pali­gid si Boobay. Mga anghel na nagbabantay, nag-aalaga sa kanya.

At sa guesting nga niya (kasama si Pepita Curtis) noon sa online show namin ni Rey Pumaloy, ang ABANTELLILING (na mapapanood sa Abante News Online Facebook page, Abante Tonite YouTube channel at @abante_tnt website), kinagiliwan talaga siya ng mga manonood lalo na ng mga empleyado ng Abante.

Sumakit talaga ang mga tiyan nila sa katatawa kina Boobay at Pepita. At napagod din sila sa kakasayaw, kakakanta, kasabay ang mga mahuhusay na komedyanteng ito.

Anyway, maraming makabuluhang kuwentuhan ang lumabas sa tsikahan na ‘yon. Na kahit napuno ng tawanan, biruan, marami pa ring napulot na aral ang mga nakapanood.

Anyway, balikan natin at kilalanin, kung sino-sino ba ang mga itinuturing na ‘anghel’ sa buhay ni Boobay…

‘Buhay ko ibibigay kay Marian’

Speaking of Marian Rivera, ‘anghel’ nga rin talaga na maituturing ni Boobay ang kaibigan niyang ito.

Si Marian nga ang umalalay mentally, emotionally at financially kay Boobay nung nagkasa-kit ito. Naalala ko nga ang sinabi ni Marian sa isang kaibigan, na dalhin si Boobay sa isang maa­yos, o magaling na ospital, kahit mahal, basta gumaling lang ito.

At yes, heto nga at normal, magaling na si Boobay. At si Marian ang isa sa malaki ang nai­tulong sa kanya. Na hindi nga siya iniwan sa laban niyang ‘yon.

Pero alam niyo ba na isang bagay ito na ayaw ipangalandakan ni Marian, na isa nga siya sa dahilan kung bakit nakakasama pa rin ng marami si Boobay ngayon.

Naiyak nga si Boobay habang pinag-uusapan namin si Marian sa Abantelliling.

“Basta alam niya ‘yon, na sabi ko nga, ‘ay ibibigay ko ang buhay ko para sa taong ito’ kasi ibang klase talaga siya.”

Paano ba nagsimula ang friendship nila ni Marian?

“Nagkasama kasi kami sa Extra Challenge noon. Nung first time ko siyang nakasama, layo ako nang layo kasi nahihiya ako, kasi sila ni Richard Gutierrez ang mga host, tapos biglang may sumingit na Boobay na makakasama nila, kaya lagi lang akong nasa kabilang tent, kasi nahihiya talaga ako sa kanila.

“Pero, bigla niya akong pinatawag. Tinanong niya ako kung bakit layo ako nang layo. Tapos, nagkuwentuhan na kami. Tinanong niya ako kung ano ang favorite kong cartoon characters.

“Nagulat ako, kasi sabi ko, ‘bakit kaya cartoon characters ang tinatanong niya?’, parang ang weird. Then, bigla na lang niya akong binigyan ng Hello Kitty na bag. So, sabi ko, ang bait, ang simple naman nitong tao na to. Hanggang sa nagkapalagayan na nga kami ng loob.

“Si Ma-rian kasi sobrang mapagmahal na tao. Kahit hindi kami madalas na magkasama, palagi talaga, sinasabi niya na kailangan may oras talaga kami na dapat magkakasama kami,” maluha-
luhang kuwento ni Boobay.

May mga tao na suplada ang tingin kay Marian. Pero, sino ba si Marian sa paningin ni Boobay?
“Anghel siya,” sagot ni Boobay.

“At saka marami ang nagmamahal sa kanya.

“Ako naman, si Norman ako kapag kasama ko siya. Hindi ako si Boobay. Kaya kapag magkakasama kami, kapag lumalabas kami, nakapang-Norman ako,” kuwento ni Boobay.

‘Malaki ang utang na loob ko kay Ate Gay’

Anghel din na maituturing ni Boobay ang komed­yanteng si Ate Gay o Gil Morales sa tunay na buhay.

“Si Ate Gay ang nagpasok sa akin sa Klownz co-medy bar. Kaya sabi ko ang bait talaga ni Lord, na na-meet ko si Ate Gay sa isang TV show noon ni Sen. Manny Pacquiao.

“’Yun yung time na balikan pa ako ng Baguio, Manila at sabi niya sa akin, bakit hindi mo subukang magtrabaho dito sa Manila. Wala pa akong kakilala nung mga time na ‘yon (2008).

“And then pinakilala niya ako kina Miss Allan K (at Lito Alejandria), kaya malaki talaga ang utang na loob ko kay Ate Gay. Ang laki ng naitulong niya sa akin. At hanggang ngayon, tinatanaw ko talagang malaking utang na loob ‘yon sa kanya.

“At pareho pa silang birthday ni Yan-Yan (Marian Rivera na ang birthday ay August 12),” kuwento pa rin ni Boobay.
Kasama nga rin sina Allan K at Lito Alejandria sa mga itinuturing na ‘anghel’ ni Boobay, na hanggang ngayon ay nagtitiwala sa kakayahan niya bilang komedyante.

At siyempre, nandiyan din ang GMA 7 na hindi siya pinababayaan sa career niya.

‘Si Kent ang nag-alaga sa akin nung may sakit’ ako’

Unang ‘anghel’ nga ni Boobay ay si Kent, ang partner niya sa loob ng anim na taon.
“Six years na kami. Pero long distance relationship kasi kami ngayon.

“Umalis kasi siya June 2017, then, bumalik siya last July 2018. Then, bumalik na ulit siya ng Australia. Mabuti na lang binig­yan ako ni Lord ng raket sa Australia, kasama ko si Miss Allan K., at ako naman ang nagpunta sa kanya.
“Ngayon nasa Australia pa rin siya. Nagwo-work siya roon para sa fa­mily ko.

“Pero, ang laki ng naitulong niya sa akin. Nung nagkasakit (na-mild stroke) kasi ako, siya talaga ang isa sa mga tumulong sa akin. Physical therapist kasi siya. So, malaki talaga ang naitulong niya sa akin para maka-recover.”
Posible bang magtagal ang isang relasyon na hindi sila magkasama ng madalas? Paano kung maghanap ng pagmamahal si Kent sa Australia?

“Well nasa kanya naman ‘yon. Pero masuwerte kasi kami na nandito na kami sa point ng relationship na­min na parang kampante na kami, na hindi na kami masyadong para­noid na tulad noon.

“At saka dahil sa technology naman, madali na rin yan. Araw-araw naman kaming nag-uusap.
“Honestly, nafi-feel ko na may future ang relasyon na ito,” sabi lang ni Boobay.

‘The show must go on’
Namatayan na ng ina, nagpatawa pa

Pero, hindi biro ang maging komedyante. Tulad ng maraming komed­yante, hindi araw-araw ay masaya ang buhay ni Boobay.

Dumaan si Boobay sa maraming pagsubok na kahit sobrang sakit na, pero dahil sa kailangan niyang magpatawa sa harap ng maraming tao, wala siyang choice kundi gawin ito.

“Maraming pagkakataon na ganun, at hindi talaga maiiwa­san yon.

“Ikukuwento ko na rin para ma­ging inspirasyon sa mga manonood.

“Naniniwala ako sa sinasabi nila na the show must go on. Kasi ako noon, si mama ko, nangyari sa kanya, nagkaroon siya ng sakit. For a time talaga, ilang years nag-suffer ng kidney fai­lure ang mama ko.

“‘Yung every night na nagpe-perform ako, iniisip ko palagi ang kalagayan ng mama ko, na kailangang magpa-dialysis.
“Hanggang sa nung time na nawala siya, ‘yun ang time na hindi ko talaga makakalimutan. Pasampa na ako sa stage sa Zirkoh, pagkasabi ng ‘it’s showtime’ may nag-text sa akin, na wala na ang mama ko.

“Pero kailangan kong ituloy ang show. Kasi, alam ko naman na para sa kanya ‘yon, eh. So, kailangan mo pa ring magpasaya.

“Pag ganun kasi ang sitwasyon, kailangan mong i-segregate kumbaga ang personal mong buhay sa propesyon mo. Kasi wala naman kinalaman ang audience sa personal problem mo.

“Kumbaga, nandun sila para mag-enjoy. So, ibigay mo lang kung ano ang kailangan mong gawin. Nagbabayad sila ng entrance, nagbibigay sila ng drinks para maging masaya sila.

“Pag ganun mag-internalize ka na lang. Gamitan mo na lang ng method, ‘yung theatrical method, para maging effective ka pa rin sa work mo,” sabi na lang ni Boobay.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy