Una sa Balita

Bongbong olats: Marcos protest dapat nang ibasura — Carpio

0 952

KINUMPIRMA ng opisyal na ulat mula sa Presidential Electoral Tribunal (PET) na mas lumaki pa ang lamang ni Vice President Leni Rob­redo laban kay Bongbong Marcos.

Ayon sa committee report na inilabas ng PET, nakakuha ng dagdag na 15,093 na boto si Robredo matapos ang manual initial recount na isinagawa sa mga probinsya ng Iloilo, Neg­ros Oriental, at sa balwarte niyang Camarines Sur—mga probinsyang si Marcos mismo ang pumili.

Dahil sa naging resulta, idiniin ni acting Chief Justice Antonio Carpio na dapat nang ibasura ang protesta ni Bongbong.

Ayon kay Carpio, ginagawang katatawanan ni Marcos ang proseso sa pagpupumilit na ituloy pa ang kaniyang kaso.

Alinsunod ang pagbasura ng protesta sa sariling panuntunan ng PET, na nagsasabing dapat malaki ang mabawi ni Marcos sa recount upang pa­yagang ituloy ito.

Dahil dito, lalong luma­lakas ang panawagan ng iba’t ibang sektor na ibasura na ang kasong ito.

Sa mga pahayag kamakailan, sinabi ng Makati Business Club at ng iba pang mga grupo ng mga negos­yante na dapat ay agaran nang maresolba ang kaso, upang mabawasan ang pag-aalinla­ngan ng ibang investor dahil sa ‘political at judicial uncertainty’ sa bansa.

Samantala, nagbabala naman ang ilang eksperto, gaya nina da­ting Comelec commissioner Goyo Larrazabal at dating Supreme Court Chief Justice Artemio Panganiban, tungkol sa ikatlong cause of action sa kaso ni Bongbong laban sa Bise Presidente.

Ayon sa kanila, hindi basta-basta mapapawalang-bisa ang mga boto sa mga probinsya ng Lanao del Sur, Basilan, at Maguindanao, dahil magkakaroon pa ng special elections.

Nagpahayag din ng pagtutol sa posibilidad na ito ang mga opis­yal mula sa Bangsa­moro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na tila nainsulto sa pag-aakusa ni Marcos na nagkadayaan sa kanilang rehiyon.

Ayon kina Deputy Speaker at Basilan District Rep. Mujiv Hataman at BARMM Assemblyman Zia Alonto Adiong, walang duda na nanalo sa kanilang lugar si Robredo, dahil ito ang kaisa-isang kandidato na nagpakita ng interes sa dating Autonomous Region in Muslim Mindanao noong kampanya.

Ayon kina Hataman at Adiong, sinadya talaga ng Bise Presidente na makadalaw doon, at labis itong tumatak sa puso ng mga taga-BARMM.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy