Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

`Bongbong humingi ka ng tawad, ibalik ninakaw n`yo!’

0 237

Iginiit ni Senador Manny Pacquiao na dapat umanong ibalik ng pamilya Marcos ang kanilang mga ninakaw sa kaban ng bayan at humingi ng tawad sa mga inabuso sa ilalim ng pinatalsik na rehimen.

“Ayaw kong manira pero `yong isyu ng yaman na hawak ng Marcoses, kung ano man `yong nanakaw nila sa ating gobyerno, kailangan na nila sigurong ibalik. `Yon ang sinisigaw ng taumbayan,” pahayag ni Pacquiao sa isang panayam sa ANC.

Inihayag ni Pacquiao na sakaling palarin na maging pangulo ng bansa, bukas siya para suriin ang mga kasong may kinalaman sa mga nakaw na yaman ng mga Marcos.

Nagpahayag din ng suporta si Pacquiao sa panawagan para kay dating senador Ferdinand `Bongbong’ Marcos Jr. na humingi ng tawad sa mga pag-abuso na ginawa ng kanyang ama.

“Sang-ayon ako d’yan dahil kailangan kung nagkamali ka, marunong kang humingi ng patawad,” sabi ni Pacquiao.

“Hindi `yan tama na sabihin na wala pa siyang alam sa mga nangyayari noong panahon ng tatay niya,” anang senador.

Nagbalik-tanaw pa si Pacquiao kung saan ay nakasuot pa umano ng camouflage ang batang Marcos nang mapatalsik ang kanyang ama noong 1986.

“Actually nakasuot pa siya ng camouflage noon, `yong coat ng army, noong nasa Malacañang siya. Hindi niya puwedeng sabihin na wala siyang alam,” dagdag pa ni Pacquiao. (Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.