Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Bolilyaso

0 71

Sa maaasahan kong diksiyonaryo, ang salitang ‘bolilyaso’ ay nangangahulugan ng ‘hindi nagtagumpay o natapos’. Ibig sabihin din ng salita ang ‘hindi natuloy o palpak’. Ginagamit natin ang salitang bolilyaso (minsan ay binabaybay bilang ‘bulilyaso’) sa ganitong konteksto taglay ang negatibong konotasyon ng hindi magandang magaganap kaya nabolilyaso.

Halimbawa. Nabolilyaso ang lakad ng barkada namin dahil nalaman ng asawa ko; hindi ako pinayagan. Hindi na natuloy. Sa ganitong konteksto rin natin naririnig ang salitang ‘bolilyaso’ kapag may illegal na transaksyong hindi natuloy o kaya ay nahuli o nabisto. Bolilyaso ang buy-bust operation.

Bolilyaso rin kapag may mga balak na akala natin ay planadong-planado pero may isang salik na magiging dahilan para mabolilyaso. Lalo nga kung ang plano o binabalak ay hindi maganda. Bolilyaso ang plano.

Hinanap ko ang pinagmulan ng kahulugan. Ang ubod ng salita. Ang sabi sa UP Diksiyonaryong Filipino, galing daw sa salitang Español na ‘bollilo’ ang salita. Pero nang halughugin ko ang maaasahang diksiyonaryong Español sa internet, walang lumalabas na ‘bollilo’. Sa halip, ang naroon ay ‘bolillo’ na nangangahulugang pag-ikot, paikutin, pagulungin. Pansinin ang pagkakaiba sa baybay, ang dalawang L ay nasa unahan ng salitang matatagpuan sa UP Diksiyonaryong Filipino, samantalang ang isa, ang maraming kahulugang salita, ay nasa dulo.

Kung ‘bolillo’ ang pinagmulan ng salitang ‘bolilyaso’ ang ibig sabihin kaya nito ay pagpapaikot o pinaikot-ikot hanggang sa matuklasan ang itinatago o ang maitim na balak? Hindi kaya ang ubod ng salitang bolilyaso ay ang pagkakatuklas sa pagpapaikot-ikot dahil ito ang paraan natin ng paggamit? Bolilyaso ang isang balak, ang isang plano lalo kung hindi maganda ang ninanais gawin?

Literal na pagpapaikot ang ‘bolillo’. Pero sa ating kultura, may isa pang kahulugan ang pagpapaikot. Ang ibig sabihin nito ay ang panloloko, gawing maligoy hanggang hindi maintindihan ang sinasabi, papaikut-ikutin ka hanggang hindi mo na alam ang simula at kung saan patungo ang usapan.

Paikot-ikot ang pagdadahilan kapag tinanong mo tungkol sa isang simpleng bagay. Tatanungin mo, pero iba o malayo ang isasagot. Papaikut-ikutin ka hanggang sa—heto na nga!—mabulilyaso mo. Matuklasan mo ang panloloko. Ngayon, kung bakit ito ang aking paksa ay dahil sa naglipanang propaganda ng bawat kandidato hindi pa man nagsisimula ang kampanyahan.

Pinapaikot-ikot tayo ng magagandang salita. Paikot-ikot sa paglalayo sa isyu ng taumbayan. Pinapaikot tayo ng mga salita imbes na direktang sagutin ang ating pagtatanong. Pansinin ang bawat pulitikong haharap sa kamera ng telebisyon. Akala mo ay magagandang salita pero ang totoo, paikot-ikot lang.

Kunsabagay, lagi na rin naman tayong nabibiktima ng akala natin ay matatapang na salita para lamang makita sa katagalan ng panunungkulan na, ito man, ay paikot-ikot lang.

Ngayong panahong ito, dapat matalas ang pakikinig natin sa sasabihin ng pulitiko. Mag-imbestiga. Magsuri. Lalo na kung ang sasabihin sa atin ay paikot-ikot lang. Iyong parang ayaw magtapat. Iyong maligoy lalo sa simpleng katangian niya bilang isang pulitiko. Maligoy. Paikot-ikot. Ito ang magandang mabolilyaso.

***

Para sa inyong mungkahi at puna, maaari kayong magpadala ng mensahe sa akin sa jwedelosreyes@yahoo.com o sundan ninyo ang aking Facebook account dito: https://www.facebook.com/joselito.d.delosreyes

Leave A Reply

Your email address will not be published.