Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Bolick Player of the Week

0 6

DALAWANG kakaibang regalo ang nakamit ni Robert Bolick Jr. ng NorthPort Batang Pier sa kanyang ika-26 na taong kaarawan matapos na tanghaling Best Player of the Game sa gabi ng kanyang kapanganakan at masundan sa pagkakapili dito makalipas ang isang araw bilang Player of the Week.

Nakamit ni Bolick ang dalawang karangalan matapos pamunuan ang NorthPort sa pagwalis sa tatlong sinabakan na laro sa loob ng isang linggo matapos magbalik ang koponan sa aksiyon sa 2021 PBA Philippine Cup

Nagtala ang guard mula Ormoc ng average na 19.3 puntos, 6.3 rebounds at 6.7 assists sa tatlong sunod na panalo ng Batang Pier sa pagbigo sa Blackwater, Terrafirma at NLEX sa Don Honorio Ventura State University gym.

Tinalo ni Bolick ang kandidato na si TNT Tropang Giga rookie guard Mikey Williams na nakakuha ng boto sa ginanap na pilian para sa lingguhang karangalan na ibinabahagi ng grupo ng manunulat na regular nagbabantay sa PBA beat.

Naungusan din ni Bolick ang kakampi sa NorthPort na si Jamie Malonzo, ang pares ng Phoenix nina Jason Perkins at Matthew Wright, sina San Miguel guard Terrence Romeo at Marcio Lassiter, at Rain or Shine tandem nina Javee Mocon at rookie Leonard Santillan.

Huling nagtala si Bolick para kumpletuhin ang walang talong karta ng Batang Pier sa pagpantay sa kanyang career high na 26 puntos sa 10-of-20 shooting sa field sa 96-94 panalo kontra Road Warriors at kung saan ito tinanghal na Best Player of the Game ilang oras bago nito isinilebra ang kanyang birthday noong Setyembre 13. (Lito Oredo)

Leave A Reply

Your email address will not be published.