Una sa Balita

BOKYA SA GOLD

By
0 4

KUALA LUMPUR — Umaga pa lang kahapon bakbakan na ang 11 bansa sa nakatayang 29 gold medals sa 10 sports, pero gabi na’y nakakahagip pa lang ang Team Pilipinas ng dalawang silvers at anim na bronzes sa Day 7 ng 29th Southeast Asian Games 2017 sa magaganda’t malilinis na playing venues sa kabiserang lungsod na ito ng Malaysia.

Walang humpay na mga kabiguan at konsolasyon lang ang mga napala ng mga Pilipino sa tennis at lawn bowls, lalo na sa athletics, pero mas masaklap pa sa iba pang mga disiplina.

Tumukod sina Ruben Gonzales, Jr. at Francis Casey Alcantara kontra kina Sanchai at Sonchat Ratiwatana ng Thailand, 2-6, 6-4, 10-7, sa tennis men’s double finals sa National Tennis Centre sa Jalan Duta para sa pilak. Isa pang Thai tandem at Viatnam duo ang nagsalo sa tanso.

Bronze lang sina Katharina Lehnert at Dennis Dy sa women’s doubles.

Hindi nasustena nina Hazel Jagonoy, Rosita Bradborn, at Vilma Greenlees ang tagumpay ng men’s fours noong Huwebes ng male counterpart nila at nagtiyaga na lang sa silver sa women’s triples sa 9-11 loss sa host Malaysians sa  Lawn Bowls Centre-Bukit Kiara National Sports Complex.  Bronze winner ang Brunei.

Nawalis ng mga oposisyon nila ang ilan sa mga may tama ng miyembro ng track and field team sa National Stadium-KL Sports City sa Bukit Jalil.

Hindi sapat ang naitalang bagong national record ng quartet nina Eric Shauwn­ Cray na may strained left foot at Trenten Beram na overfatigue na, sa tulin ng Thais, na naka-gold sa new SEA Games mark na 38.90 seconds sa men’s 4×100-meter run.

Sa pag-anchor ni Beram, tersera para sa bronze sa 39.11 secs. ang Nationals nang masingitan ng last Indonesian runner sa final five meters pa-silver sa 39.05. Dagdag konsolasyon sa men’s relay squad ang pagbura sa 39.95 nina Patrick Unso, Beram, Anfernee Lopena at Archand Bagsit sa noong Hunyo na Hong Kong Inter City meet.

Si Lopena ang opening runner habang si Bagsit, ang 2015 Singapore SEA Games silver medalist, ang kumaripas sa second leg.

Ilang minuto ang pagkaraan, third din ang women’s squad na may new PH record din sina Zion Rose Nelson, Kayla Richardson, Kyla Richardson at Eloisa Luzon sa mga likuran ng Vietnam squad na tinrangkahan ni speedster Le Cu Tinh, ang women’s 100 at 200-meter runs winner dito.

Binalikat ng Vietnamese sprint star ang kampo niya sa record-breaking win na 43.88 secs., napunta ang pilak sa Thais sa 44.2 at may 44.81 ang Phils., tinakluban ang 26-year-old record na 45.29 set nina Lydia de Vega-Mercado, Edna Punelas, Elena Ganosa at Rhoda Sinoro sa 1981 Manila SEAG.

Tanso pa sina Melvin Calano sa men’s javelin throw sa 65.94 meters.

“My form was off and my legs were heavy,” lahad ni Beram, na third consecutive day na sa track oval at wala pang 18 oras tapos ang golden run noong Huwebes ng gabi sa 400-meter dash.

Hindi na sasalang si Cray sa 4×400-m relay sa pagtatapos ng event ngayon.

Tatakbo pa si Beram kahit nasa pang-apat na niyang sunod na araw.Pero kung magbago ng isip, sinabi ni national coach Jojo Posadas na pantapal kina Cray at Beram sina SEA Games decathlon champion Aries Toledo at Isidro del Prado, Jr., anak ni dating Asia’s fastest quartermiler Isidro del Prado Sr.

Bronze rin si former Asian long jump queen Marestella Torres-Sunang sa 6.45 meters sa women’s long jump.