Una sa Balita

BOC, PDEA pinagsasabong ng sindikato sa droga

By
0 256

NAGHIHINALA si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na posibleng gumagalaw ang mga galamay ng mga sindikato ng iligal na droga at pinagsasabong ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Bureau of Customs (BOC) kaugnay sa isyu ng P6.8B shabu na nakalusot diumano sa bansa.

Ayon kay Barbers, chairman ng House committee on dange­rous drugs, hindi malayo na sinasadyang intrigahin ang PDEA at BOC para mabiyak at magkalamat ang ugnayan ng dalawang ahensiya.

“Perhaps some quarters are trying to make it appear na merong animosity at merong away. Meron lang sigurong gumawa ng propaganda. Alam naman natin kung sino ang makikinabang diyan sa mga negatibong propagandang ‘yan kaya siguro lumalabas ang mga ‘yan,” paghayag ni Barbers sa isang pana­yam kahapon.

Sa kabila nito, tiniyak ni Barbers na nagpahayag ng koope­rasyon ang mga opis­yal ng PDEA at BOC sa usapin ng pagsugpo sa iligal na droga.

“…klinaro nila ‘yan doon sa aming hea­ring at sinabi po nila na pa­tuloy ang kanilang kooperasyon at coordination among each other­. 

Sa aming nakita at aming nadinig, walang animosity at patuloy ang kanilang kooperasyon,” pagdidiin ng kongresista.

Samantala, inamin din ni Barbers na hanggang walang pisikal na ebidensiya ay mahihirapang patunayan na nakalusot ang P6.8 bilyong shabu na sinasabing itinago sa apat na magnetic lifter na nakumpiska sa Cavite.

“Pero nanatili pa rin ang aming paninindigan na kapag wala ‘yung corpus delicti o wala ‘yung body of crime ay mahirap sabihin na talagang nag­lalaman ng droga ‘yung apat na lifters na ‘yun. Even if ‘yung kanilang mga sirkumstansya ay nagsasabing may laman talaga.

Pero in the absence of the body of crime ay baka napakahirap po na sabihing may laman nga ‘yun,” paliwanag ni Barbers.

Gayunpaman, binibigyan pa rin aniya ng pagkakataon ang PDEA na magsagawa ng mga follow-up ope­ration para malinawan at mapatunayan kung mayroon talagang nakalusot na droga.