Una sa Balita

BOC: Malabon shabu cover-up pakana ng PDEA

0 328

IBINUNYAG ng isang high-level source mula sa Bureau of Customs (BOC) na pakana diumano ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino ang cover-up sa mahigit isang bilyong pisong shabu na nasamsam sa ‘entrapment operation’ sa isang bodega sa Malabon City noong nakaraang linggo.

Batay sa mga naunang ulat ng PDEA, ang pagkakasamsam sa nasabing halaga ng shabu ay mayroong koneksyon sa isinagawang operasyon ng ahensya sa Dasmariñas, Cavite noong Pebrero 13, kung saan nakasamsam ng 365 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P244 mil­yon at sa Tanza, Cavite noong Pebrero 3 kung saan umaabot naman sa 274 kilo o P1.9 bilyong halaga ng droga ang nakumpiska.

Tatlong katao ang naaresto umano sa Dasmariñas at sa isinagawang forensic investigation sa cellphone ng mga nadakip na suspek ay nalaman ng PDEA na may paparating na shipment ang nasabing grupo na nakalagay sa ‘tapioca starch’ na naka-consign sa isang kompan­ya na nagnga­ngalang Goroyam Tra­ding.

Dito na nakipag-ugnayan ang PDEA sa BOC para matunton ang shipment na nabatid na nasa Malabon at inabandona umano noong Marso 5.

Sa pagbabakasakaling masakote ang mga miyembro ng sindikato ay pina-auction o subasta ang nasabing shipment na isinagawa noong Abril 22.

Ayon sa source, matapos lumitaw na may shabu sa shipment, agad naglabas ng joint official statement ang PDEA at BOC na hindi umano nakalusot ang droga sa kanilang pagsisiyasat.

“Pahiyang-pahiya ang PDEA at BOC dahil ‘yung nanalong bidder pa ang tumawag sa amin para ipaalam na puno ng droga ‘yung shipment na pina-auction namin,” sabi ng source.

“Siyempre tiyak na magagalit si (Pangulong) Durterte kapag nalaman niya na hindi namin na-detect ‘yung limpak-limpak na shabu na dumaan sa amin. Ang mas masahol pa, ipina-public bidding pa namin ito,” dagdag pa ng source.
Matatandaang sa kanyang privilege speech noong Miyerkoles, sinabi ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson na hindi siya naniniwala na ‘entrapment operation’ ang nangyari sa Malabon, at sinuportahan niya ang hinalang isang palusot lamang ito.
Ibinunyag din ni Lacson ang mga opisyal ng dokumento mula sa BOC na malinaw aniyang nagsasabi na ‘nega­tive for drugs’ ang shipment.

Sinabi ni Lacson na mahigpit na pinagbabawal sa Republic Act 10863 o Customs Modernization and Tariff Act na ibenta o ipasubasta ang mga kontrabando o iligal na bagay na nakumpiska o nakaimbak sa mga port.

Samantala, sa isang press statement nitong Biyernes, sinabi ng BOC na ang sinubasta sa Manila International Container Port ay tapioca starch at hindi shabu.

Inihayag din ng ahensya na alam nilang bawal sa ilalim ng RA 10863 ang pagsusu­basta ng mga ipinagbabawal na kontrabado. Itinuro din ng BOC ang PDEA na siyang pangunahing ahensya sa kampanya kontra iligal na droga.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy