Una sa Balita

Boboto tayo dahil…

0 339

Dalawampu’t walong araw na lang at botohan na. 

Mahalagang araw sa ating kasaysayan para magbigay ng pagpapasya ang taumbayan para sa kinabukasan at kahihinatnan ng Pilipinas. Mahalaga dahil itatakda natin sa pamamagitan ng balota kung nais nating magkawatak-watak ang bansa o manatiling iisa. Kung nais nating atin pa rin ang bansa o ariin na ng Tsina. Kung nais nating malugmok ang bansa sa pautang ng Tsina at paggising natin kinabukasan ay wala na tayong kasarinlan. Kung nais natin na ang trabaho ay ibigay sa mga dayuhang Intsik at hindi sa mga Pilipino. Kung nais natin na lalong lumaganap ang pagpasok ng droga. Kung nais nating may demokrasya pa o mga institusyon na sunud-sunuran sa isang awtoritaryan. Kung nais natin na may saysay ang batas o binabalewala at ginagamit sa panunupil. Kung nais natin na ang bansa ay bansa na may paggalang sa kapwa at karapatan ng bawat tao o isang bansa na basta na lang pinapatay ang mga tao at ‘di na dinidinig, lalo na ang mahihirap. Kung nais natin na bumalik muli ang mga magnanakaw.

Napakaraming dahilan kung bakit tayo kailangang bumoto at magpasya sa Mayo 13 para sa kinabukasan ng bansa. Hindi tayo boboto dahil sikat ang mga kandidato. Hindi tayo boboto dahil maraming pera ang kandidato. 

Boboto tayo dahil alam natin na ipagtatanggol ng kandidato ang ating bansa. Dahil ayaw natin sa magnanakaw at ‘di na nanakawan pang muli. Dahil ayaw natin sa oportunista. Dahil ‘di natin haha­yaang ibigay sa Tsina ang mga isla. Dahil ‘di natin gustong makita ang mga barko ng Tsina na gumagahasa sa ating mga karagatan.

Dahil ayaw natin sa mapanlinlang na pautang ng Tsina sa bansa. Dahil ipagtatanggol natin ang trabaho na dapat para sa mga Pilipino. Dahil ‘di natin papayagang magkawatak-watak ang Pilipinas. Dahil gusto nating igalang at manaig ang batas. Dahil gusto nating irespeto ang buhay ng tao. Dahil gusto natin na may totoong boses tayo sa Senado. May boses sa seguridad, sa edukasyon, sa ekonomiya, sa soberanya, ang kababaihan, ang mga nakatatanda, para sa trabaho, at sa katarungan.

Boboto tayo dahil nais natin ang isang malayang Pilipinas, at gumagana ang mga institusyon ng demokrasya!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy