Una sa Balita

Bloggers tatargetin ng Cybercrime Law

By
0 22

Aminado si Senate Majority Leader Vicente ‘Tito’ ­Sotto III na sadyang mahirap bumuo ng batas laban sa fake news pero inilutang nito na maaaring amyendahan ang Cybercrime Prevention Act of 2012 para ipagbawal ang mga hindi rehistradong online users gaya ng bloggers.

Ipinaliwanag ni Sotto na sa ngayon ay mahirap nang tukuyin ang mismong ibig sabihin ng fake news.

“Mahirap magkaroon ng batas sa fake news sapagkat fake news itself per se kasi ang hirap i-define. Siguro meron tayong pwedeng mga batas na matalakay ‘yan pero content driven hindi pwedeng ‘yung outright fake ‘yan,” sabi ni Sotto.

Sinabi ni Sotto na kung magkakaroon ng batas sa pekeng balita ang matatamaan pa rin ay ang mainstream media habang ang mga nasa social media ay hindi naman maaapektuhan.

Posible anyang magkaroon ng amendment sa Cybercrime Prevention Act of 2012 upang ipagbawal ang mga hindi nakarehistrong online users.

Pero inamin din ni Sotto na hindi ito madaling isagawa.

“Medyo may kabigatan ‘yan kaya dapat pag-aralang mabuti, review-hing mabuti ‘yan kasi papalag na naman d’yan ‘yung mga freedom of expression, freedom of speech saka ‘yung privacy,” pahayag pa ni Sotto.