Una sa Balita

Biyudo patay sa aksidente sa Cabanatuan

0 236

By Jojo de Guzman

NASAWI ang isang 64-anyos na biyudo makaraang sumalpok sa puno ng akasya ang sinasakyan nitong van noong Biyernes nang madaling-araw sa kahabaan ng Circumferential Road, tapat ng Puregold N.E., sakop ng Brgy. San Juan Accfa, Cabanatuan City.

Sa ulat ni Police Colonel Ponciano Zafra nakilala ang nasawi na si Samson Esguerra Sevidal, residente ng Purok Camia 1, Brgy. Mayapyap Norte, Cabanatuan City.

Lumitaw sa imbestigasyon na dakong alas-12:02 nang madaling-araw patungong kanluran ang Urvan NV350 Van, na may conduction sticker number OW-8088, na minamaneho ni Mario San Pedro Espino, 42-anyos.

Bukod sa nasawi ay lulan din ng van, ang naka­babatang kapatid na si Samuel Esguerra Sevidal, 59, mga kapwa residente sa Purok Camia 1, Brgy. Mayapyap Norte at si Ramon Guillermo Arenas, 66, residente ng Purok 5, Brgy. Buliran, Cabanatuan City.

Matulin na paliko sa matalim na kurbada ang van ng mawalan ng kontrol sa manibela si Espino kaya’t bumangga sa puno ng akasya ang van at saka ito tumaob.

Pawang mga sugatan ang mga sakay ng van na nadala sa Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center subali’t hindi umabot ng buhay ang nasawing si Samson Sevidal.

Inilagak ang labi ng biktima sa RBN Funeral Homes sa Circumferential Road sa Cabanatuan City.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy