Una sa Balita

Biyenan ni Aiza sinibak sa SBMA

By
0 114

Sinibak ni Pangulong Rodrigo Duterte sa puwesto ang kaalyadong si Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Chairman Martin Diño makaraang maglabas ng Executive Order No. 42 para pag-isahin ang kapangyarihan ng SBMA chairman at administrator.

Sa ilalim ng EO 42, pinawalang bisa nito ang EO 340 ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na naghihiwalay sa functions ng SBMA chairman at administrator.

Dahil dito, si SBMA Administrator Wilma Eisma ay magsisilbi na rin bilang chairman. Pinanumpa na kahapon ng umaga si Eisma sa Office of the Executive Secretary.

Sina Diño at Eisma ay hindi umano magkasundo sa pamamalakad sa SBMA.

Si Diño ay biyenan ng actress-singer at National Youth Commission (NYC) chairperson Aiza Seguerra. Asawa ng dating child star ang anak ni Diño na si Liza na itinalaga ni Pangulong Duterte bilang chairperson ng Film Development Council of the Philippines (FDCP).

Hindi pa masabi kahapon ni Presidential Spokesman Ernesto Abella kung saan ililipat si Diño o kung anong bagong puwesto ang ibibigay dito.

Samantala, sa hiwalay na interview ng mga reporter kay Diño sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City kahapon, nagpasalamat ito kay Pangulong Duterte at hindi naman umano siya nalulungkot sa pangyayari.

Magkakaroon umano siya ng press conference ngayong Miyerkules. 

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy