Una sa Balita

Biyayang dala mula sa Gitnang Silangan

By
0 469

Kapakanan ng Pilipino, sa loob at labas ng Pilipinas, ang nasa isip ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa bawat pagbisita niya sa ibang bansa.

Nitong nakaraang Linggo, bumalik si Pangulong Digong sa Pilipinas mula Israel at Jordan, bitbit ang mahigit na $143 milyon na napagkasunduang pamumuhunan na siyang inaasahang lilikha ng maraming trabaho para sa ating mga kababayan dito sa Pilipinas.

Ang pagbisitang ito ay pagkakataon din na mapabuti ang kapakanan ng ating mga bagong ba­yani, ang libo-libong mga Pilipinong nagtatrabaho sa dalawang bansang ito sa Gitnang Silangan.

Lumagda ang Israel at Pilipinas ng kasunduan para sa garantiya sa maayos na pagtrato sa ating mga caregiver at pagtanggal sa placement fee ng mga Pilipinong nagnanais magtrabaho sa naturang bansa na umaabot sa walo hanggang labindalawang libong dolyar.

Sa Jordan naman naikasa ang dalawang kasunduan na magpapaigting sa proteksyon ng mga Pilipinong namamasukan bilang kasambahay. Nagkasundo rin ang Maritime Industry Authority at ang Jordan Maritime Commission ng Pilipinas ukol sa pagkilala sa mga sertipiko sa ilalim ng 1978 Standards of Training Certification and Watch-keeping for Seafarers (STCW) Convention.

Maliwanag din na sa pagdalaw ng Pangulo sa dalawang nasabing bansa ay mabuti sa relasyon ng Pilipinas sa Israel at Jordan. Sa katunayan, sinabi ng Pangulo na ang pinalakas na pakiki­pagkaibigan ay napakahalaga sa pag-unlad ng ating bansa.

Sa pakikipagpulong ng Pangulo kay Prime Minister Benjamin Netanyahu sa Israel ay natukoy nila kung papaano pa lalong mapapalawak ang kooperasyon ng dalawang bansa sa pagsugpo sa terorismo at krimen, paigtingin ang seguridad at depensa, at palakasin ang kalakal. Napag-usapan naman ni Pangulong Digong at Pangulong Reuven Rivlin ang pagpagpapabuti kooperasyong teknikal.

Sa Jordan naman ay nagpulong sina Pangulong Digong at Haring Abdulllah II kung saan kinilala ng dalawa kung saan maaring magsama ang dalawang bansa upang masolusyunan at terorismo at gulo. Kasama ang gabinete ng mahal na hari ay tinalakay nina Pangulong Digong ang pagpapalawak ang kooperasyon ng dalawang bansa sa kalakalan, kooperasyong panrelihiyon, turismo, at iba pang aspeto ng pamamahala.

Ang delegasyon ng mga Pilipinong negosyante na sumama sa Pangulo sa Israel ay nakakuha ng 21 na kasunduang pangnegosyo sa mga negosyanteng Israeli na na nagkakahalaga ng $82.9 million. Ang mga kasunduang ito ay maaaring lumikha ng 790 na trabaho para sa mga Pilipino. Kasama sa mga kasunduang ito ang tatlong Memoranda Of Agreement, 11 Memoranda Of Understanding, and pitong Letters Of Intent mula sa enerhiya, agrikultura at pagsasaka sa lungsod, at pabahay hanggang sa teknolohiyang pang militar. Sa katunayan ay katuwang na ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas ang Israel para sa modernisasyon ng ating militar.

Pumirma din ang mga kumpanyang Pilipino at Jordanian ng mga kasunduang nagkakahalaga ng $60.675 milyon na tinatayang lilikha ng 434 na trabaho para sa ating mga kababayan.

Nabanggit din Hari ng Jordan ang kanyang interes na makadalaw sa Maynila kasama ang mga opisyal ng kanilang pamahalaan at pribadong sektor upang matingnan ang mga oportunidad sa pamumumuhunan dito sa bansa. Nangako rin ang Jordan na magbibigay sila sa atin ng dalawang Bell Cobra na helicopter at iba pang kagamitang militar.

Ang pagpapaigting ng Pilipinas sa kanyang relas­yon sa Israel at Jordan ay patunay na seryoso tayo hindi lamang para palawakin ang ating al­yansa sa iba’t ibang panig ng mundo kundi para ipalaganap ang mensahe ng kapayapaan sa lahat.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy