Una sa Balita

Biyaheng Vietnam

0 558

Bata pa ako, naririnig ko na ang Vietnam. At siyempre maging ang salitang Viet Cong na tawag sa mga Vietna­mese guerrilla. Kung ‘di ako nagkakamali, meron akong isang tiyuhin na napadpad doon at sumama sa PHILCAG o Philippine Action Group. Sa kasamaang-palad, e tila hindi na siya nakabalik sa Pilipinas.

Ako naman ay nakabalik, sa Hanoi, makalipas ang dalawampung taon. 1998 noong una akong makarating doon bilang isa sa mga delegasyon ng Pilipinas sa Asean Golden Voice Festival. At mula noon hanggang ngayon ay napakalaki ang pinag-iba. Bagama’t hindi ako nakaikot noon kahit paano ay ramdam at nakikita ang laki nang inunlad ng bansa.

Kasama ko ang a­king pamilya, na-enjoy namin ang biyaheng Hanoi. Mura ang pagkain, magaganda ang mga tanawin, mura ang mga bilihin, maging ang mga export product nila tulad ng North Face ay murang-mura.

Mayaman sa kasaysayan ang Vietnam. Maraming ipinagmamalaki. Isa na rito ang pagkapanalo nila sa giyera laban sa mga Amerikano.

Naroon ang mayamang pamana ng bansang France. Ang lumang arkitektura ay mapapansin sa ka­lakhang Hanoi. At ang Thang Long water puppet theater ay mapapanood din ang palabas. Buhay na buhay ang kultura ng Vietnam.

Isang bagay na natutunan ko kung bakit napakasagana ang agrikultura ng Vietnam. Ang mga sakahan nila ay napapalibutan ng maraming mga lawa. Kung kaya’t kaya nilang mag-export ng mga bigas at may sapat pa para sa kanilang sariling pangangaila­ngan. At marahil ‘yan din ang dahilan kung bakit maging tayo ay nag-aangkat ng tone-toneladang bigas mula sa kanila.

Minsan lang nakakatawa isipin na dito sa Pilipinas sila natuto ng mga teknolohiya sa pagsasaka, at ngayon tila tayo ay napag-iwanan.

Nakakatuwang isi­pin na marami ng mga turistang Pinoy ang bumabiyahe sa bansang ito upang bumisita. Gustong matututunan ang kanilang kultura at pasyalan ang mga magagandang tanawin tulad ng Ha Long Bay at Tràng An. Mga hinirang na World Heritage sites ng UNESCO. ‘Di ko mahintay ang pagkakataong muling bisitahin ang bansang ito at lalo pang magalugad at matututunan na malaliman ang kanyang pamanang yaman at kultura.
Pagplanuhan natin ngayong 2019. Tara na!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy