Una sa Balita

Biyaheng Bicol: Mula mata hanggang tiyan busog ka!

0 346

KAMUSTA na mga Ka-Trip Mo, Trip ko?

Ngayon, dadalhin ko na naman kayo sa isang ­probinsya na puno ng ­kultura at ­magagandang tanawin kaya naman ­samahan ninyo akong maglakbay sa Bicol!

Masasabi kong medyo malayo ang ating ­biyahe ngayon mga Ka-­Abante dahil sampu hangang ­labing dalawang oras ang ating lalakbayin kung kayo ay sasakay ng bus mula Maynila. Kung ­gusto ninyo naman ng ­mabilis na ­biyahe puwede din kayo sumakay ng eroplano na ­tatagal ­lamang ng 45 ­minuto. ­

Huwag mag alala dahil ­siguradong sulit ­naman ang inyong ­bakasyon pagdating ninyo sa Bicol.

Alam nyo ba na ang Camarines Sur ay kilala sa titu­long may ­pinakamaliit na isda sa buong ­mundo, ito ay tinatawag nilang “sina­rapan”. Ang bayan ding ito ang may ­pinakamalaking lupa at populasyon sa ­probinsya ng Bicol.

Kilala rin sila sa kanilang malalim na pananam­palataya sa Basilica of Our Lady Peñafrancia, ito ay isang birhen na gawa sa kahoy noong 1710 ­orihinal na galing sa Salamanca, Spain na dinarayo din ng mga deboto sa iba’t ibang parte ng Pilipinas ­tuwing buwan ng Setyembre na taunang ginaga­nap para sa pista ng Mahal na Birhen.

Sinasabi ring naghihimala at tumutulong sa mga nanga­ngailangan ang Birhen. Kaya naman kung kayo ay relehiyoso maaari kayong sumilip sa simbahang ito.

At kung gusto niyo namang mag-relax at mag-enjoy, maaari kayong ­pumunta sa Hacienda De Naga kung saan puwede kayo mamasyal sa umaga o ‘di kaya naman ay mag-stay overnight, meron ­ditong hotel villas, at Cabanas na puwede rentahan. Meron silang mga pasilidad tulad ng Adventure Park, wave pool para sa mga mahilig lumangoy at maligo.

Kung ang trip ninyo naman ay makakita ng iba’t ibang klase ng hayop mayroon din sila Zoofari na siguradong swak sa mga bata. Ito ay matatagpuan sa Nursery Road, Naga ­Camarines Sur.

Huwag niyo din palagpasin ang pagbisita sa hindi lang isang talon kung hindi dalawa! Ito ang Itbog Twin Falls na mata­tagpuan sa Barangay Sta. Cruz, Buhi na may 60 talampakan ang taas, ito ay isa sa mga dinarayo rin ng mga turista dahil sa mala paraisong tana­win at linaw ng tubig. Maari din kayo mag- hiking dito papunta sa Twin Falls.

Kung gusto niyo naman ng mabilis na transporta­syon papunta, maaari kayong sumakay ng motor boat sa halagang P150, ngunit kung ako ang inyong tatanungin, mas inirerekomenda ko na maglakad para sa mas exci­ting na bakasyon basta wala kayong kasamang bata.

Ang susunod naman nating destinasyon ay ang pag-island hopping, meron din ang Bicol na tulad ng El Nido Palawan ito ay ang Caramoan Island. Pagda­ting pa lamang sa Isla ay talagang mamahanga kayo sa linaw ng tubig dagat at puting buhangin. Maaari kayong mag snorkel at scuba diving upang maranasan at makita ninyo ang mayamang marine life dito. Isa pa sa napaka gandang karanasan dito ay ang pag star gazing sa gabi na sobrang nakaka relax at ­kokompleto sa iyong pagpunta sa ­Camaroan ­Island.

Pagdating naman sa mga pagkain dito, sigu­rado akong alam na alam niyo na kung saan kilala ang mga Bikolano! Ang pangunahing sangkap nila sapag luluto ay ang siling labuyo na talaga namang mag ­papainit sa inyong ­bakasyon.

Isa na ­diyan ang ­paborito rin ng mga Pinoy, ang Bicol express! Ito ay sinangkapan ng baboy na may gatang niyog na hinaluan ng ­maraming sili. Ang sarap talaga ipareha nito sa ­mainit na kanin o ‘di kaya pulutan habang umiinom ng lambanog, talagang Probinsyang probinsya ang pakiramdam. Sigu­rado akong makokompleto ang inyong panlasa.

Laing! Sino ba sa atin ang hindi pa ­nakakatikim ng lutong bahay na pinatuyong dahon ng gabi. Naalala ko pa ang lola ko noon, pinapatuyo nila ang ­dahon ng gabi sa bubungan namin sa likod bahay at pag katapos ay iisa isahin na naming balatan ang mga tangkay nito. Mabusisi ang pagluluto ng mga pagkaing Bikolano pero masasabi ko namang sulit at masarap talaga.

Ano pang hinihintay ninyo? Magplano na at huwag ninyo ­kakalimutan sa ­listahan ng mga ­lugar na ­dapat ninyong ­mapasyalan, yan ay ang Bicol.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More