Una sa Balita

Biyahe ng MRT naantala dahil sa nasirang signalling system

By
0 48

NA-DELAY ang biyahe ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) kahapon nang umaga bunsod ng pagkakaroon ng technical problem sa signalling system.

Sa inilabas na advisory ng pamunuan ng MRT-3, alas-8:25 nang umaga nang magkaroon ng delay sa ‘arrival at departure’ ng mga tren sa mainline ng MRT-3.

“Nagkaroon po ng ‘signalling technical concern’ sa Taft Avenue Station kaya na-delay po ang biyahe ng mga tren,” ayon sa MRT-3.

Dahil sa nangyari, naipon ang mga pasahero sa lahat ng MRT station.

Agad naman humingi ng paumanhin ang pamunuan ng MRT-3 sa lahat ng naabalang pasahero.

Kamakalawa nang hapon ay nagkaroon din ng aberya ang biyahe ng MRT-3 at kabuuang 600 na pasahero ang pinababa ng tren.

Sinabi ng MRT-3, nagkaroon ng electrical failure sa motor ng isang northbound train bandang alas-3:07 nang hapon.

Naghintay ng limang minuto ang mga apektadong pasahero bago nakasakay sa panibagong tren.

Sa ngayon, isinasailalim na sa preventive maintenance ang nagkaproblemang tren.

Tiniyak naman ng pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) na pinagbubuti ngayon ng MRT-3 ang serbisyo upang hindi na maulit ang palagian pagkakaroon ng aberya sa biyahe na naranasan noong nakalipas na apat na buwan.