Una sa Balita

Birth certificate ng mga anak, puwede bang huwag nang baguhin?

By
0 60

Dear Atty. Claire,

Hi po good afternoon, ask ko lang po if okay lang na hindi na baguhin ang mga birth certificate ng mga anak ko. Tatlo po sila at ‘yung two senior at junior high school ‘yung isa po second year na. Hindi po kasi ako kasal at tapos nag-separate pa kami ng papa nila. Gusto sana ng papa nila na isunod sa surname niya.

Pero ang dami po proseso kaya okay lang po ba na huwag na lang baguhin tutal naman po hindi tumutulong ‘yung papa nila financially, tapos ‘yung eldest ko po male nakalagay instead of female… at if ever po ba na magkaroon ako ng asawa at ikasal puwede ko po ba pagamit surname niya sa mga anak ko? Salamat po sana matulungan niyo ako sa konti kong problema.

God bless po,
Jovelyn

***

Ms. Jovelyn,

Ang kagustuhan ng tatay ng mga bata na ipagamit ang kanyang apelyido ay maganda ang layunin… ibig sabihin ay kinikilala niya ang kanyang mga anak ngunit sana ay malaman din niya na ang hindi lamang sa pagbibigay ng apelyido ang pagpapakita na siya ang tatay.

Kasama rito ang pagsuporta at hindi pag-iwan sa obligasyon bilang ama. Ang paggamit ng apelyido ng ama ay nasa kamay ng mga bata. 

Ayon sa ating batas na RA 9255: 8.2 Illegitimate child acknowledged by the father shall use the surname of the mother  if no AUSF (Affidavit to Use the Surname of  the father) is executed.

8.3 An illegitimate child aged 0-6 years old acknowledged  by the father shall  use the surname of the father, if the mother or the guardian, in the absence of the mother, executes the AUSF.

8.4 An illegitimate child aged 7 to 17 years old acknow­ledged by the father shall use the surname of the father if the child exe­cutes an AUSF fully­ aware of its consequence as attested by the mother or guardian.

Kaya’t hindi basta maipipilit ng tatay ang nais niya kung walang pasang-ayon sa mga anak na pinapatotohanan ng nanay.

Kung hindi na nais ng mga bata ay walang magagawa ang ama na ipilit ang gusto. Ito rin ang nakasaad sa kaso na Grande vs. Antonio (G.R. No. 206248, February 18, 2014), kung saan sinasabi na ayon sa  Art. 176   (of the Fa­mily Code) ang mga illegitimate child ang may karapatan na mag-decide kung anong apelyido ang gagamitin.

Hindi ang ama o ina ang binibigyan ng karapatan o kapangyarihan na magdikta sa anak kung kaninong apelyido ang gagamitin.

Sa pangalawa mong tanong… kung sakaling ikaw ay makasal sa iba ay hindi mo mapapagamit sa mga bata ng apelyido ng magiging asawa mo (na hindi naman nila ama) dahil sa hindi siya ang tunay na tatay.

Magagamit lamang nila ang apelyido ng mapapangasawa mo kung sila ay aampuning legal nito at dapat ay may pagsang-ayon sa tunay nilang ama at pagsang-ayon ng mga bata na may edad 10 pataas.

Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 410 7624/922 0245 o  mag-email sa attorneyclaire@gmail.com