Una sa Balita

Bird flu sa Cabiao, Nueva Ecija kumpirmado

By ,
0 23

Naitala ang bagong kaso ng H5N6 bird flu sa Cabiao, Nueva Ecija matapos imbestigahan ang isang poultry farm na nag-ulat ng malawakang pagkamatay ng mga manok.

Nobyembre 12 nang makarating sa provincial government ng Nueva Ecija ang mataas na bilang ng mga namatay na manok sa nabanggit na poultry farm.

Ayon kay Alejandro Abesamis, provincial administrator ng Nueva Ecija, agad nilang ipinadala sa Department of Agriculture (DA) ang sample ng manok.

Lumabas na positibo sa H5N6 avian flu ang manok.

Nagsagawa ng culling operation noong Nobyembre 21 at 22 kung saan sinuri ang 42,000 manok sa Cabiao.

Dagdag ni Abesamis, wala namang ipinatupad na quarantine sa bayan pero patuloy na magbabantay ang DA sa posibilidad na may iba pang nahawang manok.

Wala naman dapat ipag-alala ang mga mamamayan dahil kontrolado ang nangyari, ayon kay Abesamis.

Inaalam pa rin ng DA at lokal na pamahalaan kung paano nahawaan ang mga manok.

Sa loob ng tatlong buwan, hindi muna pwedeng maglabas ng produktong manok ang Cabiao, Nueva Ecija.

Samantala patuloy na minomonitor ng Department of Agriculture ang isang poultry farm sa Cabiao, Nueva Ecija dahil sa posibleng pagkalat ng Avian Influenza Virus o Bird flu.