BIRD FLU INILIHIM

By

Lagot ang mga farm manager at beterinaryo na nagpabaya kaya nagkaroon ng avian o bird flu outbreak sa Pampanga.

Tiniyak ni Department of Agriculture (DA) Secretary Emmanuel Piñol na mananagot ang mga farm manager na nagawa pa umanong ilihim ang pagkakaroon ng bird flu sa kanilang mga poultry para sa negosyo at hindi inisip ang pangkalaha­tang epekto nito.

Hindi rin paliligtasin sa parusa ang ilang mga beterinaryo na mapapatunayang nagpabaya dahilan para kumalat hanggang sa tuluyang lumala ang bird flu virus.

Nasa anim na poultry farm sa mga barangay ng San Carlos at Santa Rita sa San Luis, Pampanga ang apektado ng outbreak kung saan 37,000 na ibon, kabilang na ang mga pugo at pato, ang namatay dahil sa bird flu.

Unang kinumpirma ni Piñol na nagkaroon ng outbreak ng avian influenza Type A subtype H4 sa isang quail farm na kumalat sa poultry farms sa Brgy. San Agustin.

Kaugnay nito, nanawagan si Piñol sa mga gobernador ng mga kalapit na lugar ng Pampanga na pairalin ang mahigpit na quarantine upang walang makapasok na infected na manok sa iba pang probinsiya.

Nagdeklara na rin ng pansamantalang ban ang DA sa paggalaw o pagbiyahe mula Luzon hanggang Mindanao ng mga buhay na domestic at wild birds kabilang na ang mga poultry meat, day-old chicks at itlog.

Sa inilabas na memorandum circular ng DA, pinapahintulutan lamang ang paggalaw o pagbiyahe ng fresh, frozen meat, itlog at iba pang hindi lutong poultry products sa labas ng 7 kilometer radius control area ng outbreak site sa Pampanga.

Kailangan din na may shipping permit at health certificate na inisyu ng government sector veterinarian na magpapatunay na galing ang poultry products sa mga farm na walang insidente ng bird flu sa nakalipas na 21-araw bago ang shipment nito.

Mananatili ang ban hanggang sa panahon na wala nang panibagong kaso na napapaulat o 21-araw matapos ang depopulation sa mga apek­tadong lugar.


Isinailalim na rin sa 24-oras na mahigpit na monitoring ng DA ang mga poultry farm sa bansa lalo na sa Pampanga at mga kalapit nitong probinsya.

Kasunod ito ng pagkatay sa mahigit-kumulang isang milyong mga pugo sa bayan ng San Luis sa Pampanga. Sinabi ni Piñol na ginawa ito para matiyak na hindi na tumaas pa ang bilang ng mga pugo na nagkasakit sa bird flu.

Inutos rin ang pagsunog at pagbaon sa lupa ng mga kinatay na pugo para hindi na mapakinabangan pa lalo na’t delikado sa kalusugan ng tao ang bird flu virus.

Mabilis namang nag­latag ng animal quarantine checkpoints ang Pampanga Provincial Police Office kasunod ng bird flu outbreak.

Inilagay ang mga checkpoint sa entry at exit point sa Brgy. San Carlos kung saan mahigpit ang inspeksyon sa lahat ng klase ng sasak­yang pumapasok at lu­malabas sa lugar para matiyak na walang makakalabas na anumang klase ng ibon na hinihinalang may bird flu.

SHARE