Una sa Balita

‘Binyag’ ng Basketbolera!

0 424

KASALUKUYANG nagbabakbakan ang Magnolia Hotshots at Alaska Aces habang aking sinusulat ang kolum na ito, Game 1 na nga ng Governors’ Cup ng PBA.

Malalaman na nga kung sino ba ang makakauna sa harapan na ito. Lalabas kaya ang gutom ng Aces o ang gigil ng Hotshots? Matagal-tagal din bago nakatungtong muli ang Aces sa Finals kaya naman sigurado akong todo ang pagha­handa na ginawa ni Coach Alex.

Sa kabilang panig naman syempre ay hindi magpapadaig ang mga manok ni Coach Chito. Nitong season nga na ito ng PBA ay nakaabot sa Finals ang Hotshots sa All Filipino Cup kung saan ay kinapos sila kaya naman ngayong conference na ito ay siguradong hindi na hahayaang makawala pa ito sa kanilang mga kamay. Ating subaybayan ang harapang ito, Aces ba o Hotshots?

***

At heto na nga, natapos na ang laro na inantabayanan ng buong Pilipinas. Hindi naging maganda ang dalawang laro ng Gilas Pilipinas, dalawang magkasunod na talo ang nakuha ng Pilipinas laban sa Kazakhstan at Iran. Naging maganda naman ang ipinakitang laro ng ating koponan ngunit sa dulo ay nabibitin at kinakapos ang Gilas.

Magkaibang line-up ang isinabak ni Coach Yeng sa dalawang laro na ito – si Stanley Pringle bilang naturalized kontra Kazakhstan at si Christian Standhardinger naman sa Iran. Nakabalik na rin si Jayson Castro at Troy Rosario galing sa kanilang suspension.

Talagang ipinakita ni Castro na siya ay nagbabalik na sa FIBA, dahil kitang-kita ang init na ipinamalas niya sa buong laro. Nagkaroon rin siya ng sprain na nakuha niya sa first quarter ngunit hindi ito ininda dahil sa kagustuhan niyang maipanalo ang ating tropa.

May natitira pang da­lawang laro ang Gilas sa Pebrero 2019, at kaila­ngang maipanalo ito para maging mas malinaw ang kanilang tsansa na makapasok sa World Cup.

Sa ngayon ay 5-5 na ang standing ng Gilas at sila nga ay nasa ika-apat na puwesto sa kanilang grupo (F). Nasabi ni Coach Yeng na para sa darating na laban nila sa susunod na taon ay lilimitahan niya na lamang ang kanyang pool sa 15 man.

Magandang diskarte ito upang talagang magkaamuyan at magkagamayan ang ating mga manlalaro sa susunod nilang mga laban. ‘Ika nga ni Coach Yeng, galing sa magkakaibang sistema ng paglalaro ang Gilas at kailangan nila itong alisin at matutunan ang sistema ni Coach para sa international games.

***

Nais kong gamitin ang pagkakataong ito para magpasalamat sa mga taong naging bahagi ng aking first ever assignment sa field. Maraming salamat sa aking mga boss para sa tiwala ninyo sa akin, kay Pres. Rey at GM Gil, gayundin kina Sir Enjel, Sir Ferds, Sir Ramil at sa bumubuo ng Sportalakan. At kay Sir Rick Olivares, salamat sa oportunidad na ibinigay ninyo sa akin para makapag-cover ng FIBA.

Sa mga nakilala ko at tumulong sa akin, sala­mat po. Sir Joaqui, Sir Noel, salamat. Kay Sir Gerry Ramos, ikinagagalak ko po na makilala kayo. Hanggang sa muli po!

Unang assignment nga po ito ng inyong Basketbolera sa field at isang napakala­king event pa ito sa lara­ngan ng sports kaya naman abot-abot ang kaba at takot ko mga KAbante. Ibang klase ang oportunidad na ito na nakuha ko dahil isa itong international game at talaga namang ang mga kasama ko ay mga beterano na.

Nakakatuwa para sa isang first timer na tulad ko ang makapag-cover ng isang international game, talaga namang marami akong natutunan at isa itong arena kung saan nabuo ang tapang ko, baptism of fire, ‘ika nga.

Patuloy po ninyong subaybayan at suportahan ang aming show ni Bes Ramil, Sporta­lakan. Salamat po!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy