Una sa Balita

Binay sa DOH, DSWD: Dust mask isama sa relief pack

By
0 653

Hinikayat ni Senadora Nancy Binay ang Department of Health (DOH) na isama ang dust mask sa kanilang relief packages na ipamamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at mga local government unit (LGU) sa mga naapektuhan ng pagsabog ng bulkang Taal.

Ginawa ng senadora ang panawagan sa gitna ng shortage ng suplay ng face mask kasunod ng pag-alburoto ng Taal noong Linggo.

Nauna nang naiulat na Linggo pa lang ng gabi ay maraming mga tindahan sa Metro Manila at kalapit lalawigan ang naubusan na ng stock ng face masks, partikular ang inirerekomendang N95.

“Sana i-prioritize ng DOH ang agarang pamimigay ng masks pati na rin mga gamot para maprotektahan ang mga kababayan natin,” sabi ni Binay.

Ayon pa sa senadora, dapat bigyang prayoridad din ang mga bata at iyong may mga respiratory at iba pang maselang kondisyon.

Dapat din umanong kunin ng gobyerno ang tulong ang pribadong sektor sa pagkuha ng face masks at iba pang mga suplay na magbibigay ng proteksiyon sa mga mamamayang apektado ng pagsabog ng bulkan.

Kasabay nito, kinastigo naman ni Binay ang ginagawang pagsasamantala ng ilang negosyante na todo taas sa presyo ng face masks.

Aniya, dapat kasuhan ng Department of Trade and Industry ng overpricing ang mga ito.

“Sana naman huwag natin sinasamantala ang ganitong mga krisis para lang kumita. Sana mas manaig ang pagbabayanihan at pagkawanggawa sa mga ganitong sitwasyon,” sabi pa ni Binay.

Gayunpaman, kahit na kulang sa suplay ng inirerekomendang N95 masks, sinabi ni Binay na hindi dapat mag-panic ang publiko dahil maaari namang gumamit ng basang panyo o bimpo na siyang pantatakip sa kanilang ilong.

“May mga advisory na ang DOH, bukod sa expert advice ng mga doktor, na maaari rin namang gamitin ang medical at surgical mask, dust mask, o kahit mamasa-masang panyo lang, so there’s no need to panic,” ani Binay.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More