Una sa Balita

Binato, binuhusan, binuldozer!

0 275

NAUWI sa karahasan ang welga ng 400 manggagawa ng Nutriasia sa Cabuyao City, Laguna nitong Sabado nang umaga, Hulyo 6.

Ayon kay Laguna Police Chief Col. Eleazar Matta, pinaalis ng mga pulis ang mga umaalmang manggagawa dakong alas-10:00 nang umaga, at inaresto ang hindi bababa sa 10 lider ng unyon ng mga manggagawa.

Sa pahayag ni Hermie Marasigan, national president ng labor alliance na Olalia-Kilusang Mayo Uno, naganap ang welga bandang alas-singko nang madaling-araw na kinabibilangan ng tinatayang 400 manggagawa.

Ang nangyaring strike ay pana­wagan sa mga namamahala na magtatag ng regional labor office order na magpapa-regular sa kanila.

Ayon kay Matta, nagtungo ang mga pulis sa pabrika matapos malamang sinara ng mga welgista ang gate ng kompanya kung saan itinu­ring niya itong “criminal offense.”

Depensa naman ni Marasigan, nilabag ng mga pulis ang kanilang karapatan dahil wala namang utos ang korte na i-disperse sila.

Dagdag pa niya, mayroong mga pulis na naghahagis ng bato, may mga gumamit ng mainit na tubig upang mapalayas sila at nauwi sa “bulldozing” ng mga pulis upang mabuksan ang gate ng factory.

Depensa naman ng mga pulis, ang pamamato ay nagmula sa loob.

Ayon kay Marasigan, tumawag ang National Conciliation and Mediation Board sa Calabarzon upang makipagpulong sa kanila.

Ang Nutriasia na minamay-ari ng negosyanteng si Joselito Campos, ang gumagawa ng mga sangkap sa pagluluto tulad ng Datu Puti suka, toyo at patis; Silver Swan vinegas, soy sauce; Mang Tomas all-around sarsa; UFC banana catsup, spaghetti sauce, tomato sauce, cooking oil, sinigang sa sampaloc mix at ready recipes; Papa banana catsup; Golden Fiesta cooking oil; Locally beverage cans at Big2 purified water.

Ayon sa unyon, kahit P16 bilyon ang kinikita ni Campos, lugmok naman ang kalagayan ng mga manggagawa kahit sa kanilang pagawaan sa Cabuyao.

Sa kasalukuyan, nakakaranas ang mga manggagawa ng NutriAsia sa Cabuyao ng malawakang kontraktwalisasyon na umaabot sa isang dekada (sa kasalukuyan, 1,000 sa 1,100 na manggagawa nila ang kontraktwal); hindi tamang pagbayad sa Sunday overtime; hindi tamang pagbayad sa regular overtime; hindi tamang pagbayad sa monthly contribution ng SSS/Pag-IBIG/PhilHealth; mga iligal na deduction sa pagkakatas ng uniform, annual physical, examination; hindi pagkilala sa desisyon ng DOLE na iregularisa ang 715 na manggagawa; harassment sa mga lider-unyon at pagbabanta sa mga manggagawang nakikilahok sa unyon.

Sinikap ng Abante na hingan ng komite ang management ng Nutriasia pero hindi pa nakukuha ang kanilang panig habang sinusulat ang balitang ito.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy