Una sa Balita

Binatang tinangay ng agos sa ilog, hindi pa makita

By
0 452

BIGO pa ring matagpuan hanggang kahapon ang isang 19-anyos na binata na tinangay ng mala­kas na agos ng Talavera River sa Brgy. Pulong San Miguel, Talavera, Nueva Ecija noong Huwebes nang hapon.

Sa ulat ni P/Supt. Joe Neil Rojo, sa tanggapan ni Mayor Nerivi Santos-Martinez, nakilala ang biktima na si Nelson Vicencio Muico, combined harves­ter operator, residente ng Brgy Calipahan, Talavera.

Nabatid na dakong alas-dos nang hapon, namimingwit sa ilog ang biktima hanggang tinangkang tawirin ang rumaragasang ilog sa kasagsagan ng walang tigil na pag-ulan.

Ayon sa tiyahin na si Elena Vicencio, kinumpirma ng mga kasama­han ni Nelson na tinangay ito ng malakas na agos at hindi ito nasaklolohan pa.

Maging ang mga rescuer mula sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council, kasama si Brgy. Peddy Santiago ng Brgy. Mamandil ay nabigo sa paghahanap dito.

Umabot na sa mga bayan ng Aliaga at Zaragoza ang ginagawang search and retrieval ope­rations.