Una sa Balita

Binata tumalon sa 21st floor ng Ortigas Tower

By
0 28

Lasug-lasog ang katawan ng isang 21-anyos na binata matapos na magpakamatay umano ito at tumalon sa ika-21 palapag ng isang high rise tower kahapon ng mada­ling-araw sa Pasig City.

Kinilala ang biktima sa pamamagitan ng nakuhang Identification Card (ID) na si Miguel Paolo Reyes, residente ng Barangay Bayanan, Muntinlupa City.

Ayon kay Eastern Police District (EPD) Director chief Supt. Romulo Sapitula, dakong alas-12:20 ng hatinggabi ng maganap ang insidente. Tumalon ang biktima sa AIC Burgundy Empire Tower na matatagpuan sa kahabaan ng Sapphire st. Ortigas Center, Barangay San Antonio ng nabatid na lungsod.

Lumalabas sa im­bestigasyon na bigla na lang nagulantang ang mga taong nasa loob ng isang convenience store sa ibaba ng gusali nang makarinig sila ng malakas na kalabog mula sa isang bumagsak na bagay at nang kanilang tignan ay tumambad sa kanila ang wala nang buhay na biktima.

Ayon naman kay SPO1 Rodelio Olalia, may hawak ng kaso, may ilang saksi ang nakakita umano ng pagtalon ng biktima mula sa ika-21 palapag ng AIC Burgundy Empire Tower at bumagsak sa ground floor ng gusali kaya nagsagawa ng ocular inspection ang awtoridad upang suriin ang Unit 2117 kung saan nakitang tumalon ang binata.

Doon nila nakita ang isang itim na bag na pinaniniwalaang pagmamay-ari ng biktima at doon nakita ang kanyang ID at ilang personal na gamit.

Lumalabas din sa imbestigasyon na bakante ang nabatid na unit at kasalukuyang under renovation. Wala ring kandado ang main door nito kaya posibleng nakapasok ang biktima at binuksan ang isa sa mga bintana at doon pinaniniwalaang tumalon.

Sa kasalukuyan ay dinala ang bangkay ng biktima sa PNP crime laboratory upang sumailalim sa awtopsiya upang malaman kung may foul play sa pangyayari habang patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon sa ikalilinaw ng kaso.