Una sa Balita

Binata timbog sa ninakaw na cellphone

0 241

ARESTADO ang isang 18-anyos na binata matapos tangayin ang cellphone mula sa apartment ng isang factory worker sa Imus City, Cavite, Miyerkoles nang madaling-araw.

Nakakulong ngayon sa Imus Custodial Center ang suspek na si Mark Makalintag ng Imus City dahil sa reklamo ng biktimang si Danile Tumitit, 24.

Sa ulat ni Police Staff Sergeant Tristan Tamayo ng Imus City Police Station, dakong alas-tres nang madaling-araw nang maaresto ang suspek habang tumatakas matapos pumasok sa bahay ng biktima sa Citi Homes, Barangay Anabu II-A.

Nagising umano ang biktima nang maramdaman nito na may ­kumalabog sa loob ng kanyang bahay. Tumayo ito at binuksan ang ilaw sa sala kung saan naaktuhan niya ang suspek na mabilis namang tumakas tangay ang cellphone ng biktima.

Hinabol ng biktima ang suspek at dahil sa i­ngay ay nagresponde ang mga barangay official na nagresulta sa pagkakaaresto kay Makalintag.

Ayon kay Tamayo, walang forcible entry sa bahay ng biktima at pinaniniwalaang nakalimutan nitong ikandado ang pintuan kaya mala­yang nakapasok ang suspek. (Gene Adsuara)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy