Una sa Balita

Binata kinatay ng kaaway

By
0 663

Tila may malaking­ atraso ang isang binata matapos na tadtarin ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng isang di-kilalang lalaki sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni P/Sr. Insp. Elmer Monsalve ng Criminal Investigation and Detection Unit CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang biktima na si Jomar Gaston Tugad, 27-anyos, binata, walang trabaho at residente ng Purok 20, Unit 5, Adama Ext., Brgy. Commonwealth Quezon City.

Si Tugad ay namatay noon din sanhi ng tinamong maraming malalalim na saksak sa katawan.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Rhic Roldan L. Pittong ng CIDU, ang krimen ay naganap dakong alas-4:20 ng madaling araw nitong Miyerkoles (May 23), sa harap ng No.256 Sto. Rosario St., Brgy. Holy Spirit, QC.

Batay sa pahayag ni Ruben Dela Torre, abala siya sa pag-aayos ng kaniyang tindahan ng makari­nig siya ng boses ng lalaki na sumisigaw at humihingi ng saklolo, kaya lumabas siya ng bahay.

Doon ay nakita niya ang biktima na duguang nakabulagta habang papatakas ang suspek dala ang kutsilyong gamit sa pananaksak.

Hinala ng pulisya, malaki ang atraso ng biktima sa suspek na posibleng nakaalitan nito dahil sa grabeng tinamong mga saksak nito sa katawan, at sinigurong patay na ito bago iniwanan sa lugar.