Una sa Balita

Binata kalaboso sa baril

By
0 119

Sa kulungan bumagsak ang isang binata nang arestuhin ito matapos isumbong sa mga pulis ng lalaking kanyang inalok na bumili  ng baril sa Valenzuela City, kahapon ng umaga.

Sa report ni SPO4 Armando De Lima, officer-in-charge ng Station Investigation Unit (SIU) kay P/ Chief Inspector Rhoderick Juan, head ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB),  paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions Act 2012) ang kinakaharap na asunto ni Jerome Mark Dabu, 37 ng A. Tongco Street, Barangay Malinta ng nasabing lungsod.

Sa salaysay ni Teofilo Dimalanta kina SPO1 Ronald Tayag at PO3 Laude Pillejera, bandang alas 10:30 ng umaga, nagtungo sa kanyang bahay sa Barangay Malinta sina Dabu at isang alyas `Sputnik.’

Aniya, may dalang shotgun ang mga suspek at ibinebenta sa kanya ng halagang  P3,500.

“May sakit daw ‘yung anak nung `Sputnik’ at kailangang kailangan ng pera kaya ipinagbibili sa akin,” ani Dimalanta.

Pinaghintay nito ang dalawa at sinabing kukuha lang ng pera para bilhin ang baril , pero sa Police Community Precinct (PCP) 4 ito nagtungo at nagsumbong sa mga pulis na nagresulta sa pagkakadakip ni Dabu, habang nakatakas naman ang kasamahan nito.

Sa presinto, sinabi ni Dabu na pinabebenta lang sa kanya ni Sputnik ang baril na ninakaw lang daw ng huli sa isang security guard sa Malabon City.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy