Una sa Balita

Binata binaril habang nagte-text

By , ,
0 625

Isang 36-anyos na binata ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng hindi pa nakikilalang gunman habang ang biktima ay nakaupo at nagte-text sa tapat ng kanilang bahay kahapon nang madaling-araw sa Pasay City.

Sanhi ng apat na tama ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa ulo at katawan namatay noon din sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Richard Mina, nakatira sa Area I-Chest Clinic Compound, Brgy. 186, Maricaban Pasay ng naturang lungsod.

Batay sa natanggap na report ni Senior Supt. Noel Flores, hepe ng Pasay City Police, naganap ang insidente bandang ala-1:35 nang mada­ling-araw sa kahabaan ng Aurora Boulevard ng nabanggit na barangay.

Habang nakaupo at hawak ang cellphone sa harapan ng kanilang bahay ay biglang sumulpot sa harapan nito ang isang lalaki na armado ng baril at walang salitang pinutukan ito ng ilang beses na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Matapos ang pamamaril ay kaagad namang tumakas ang suspek na naglakad lamang ito palayo sa pinangyarihan ng insidente.

Nakarekober naman ng ilang slug ng bala ng hindi mabatid na kalibre sa pinangyarihan ng insidente.

Ang labi ng biktima ay pansamantalang ini­lagak sa Veronica Funeral Parlor at isailalim sa autopsy.

Patuloy naman nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad hinggil sa insidente.

Inaalam na rin kung mayroon naka­lagay na closed circuit television (CCTV) came­ra sa pinangyarihan ng insidente at nahagip para sa pagkakilanlan ng salarin.