Una sa Balita

Binata aksidenteng tinamaan ng shotgun, patay

By
0 243

Todas ang isang obrero sa harapan mismo ng kanyang ama, nang aksidenteng tamaan ng shotgun mula sa naka-duty na security guard sa Valenzuela City, kamakalawa nang umaga. 

Binawian ng buhay habang ginagamot sa Valenzuela City Medical Center ang biktimang si Mark Angelo Hombre Dayap, 18, residente ng No. 128 Sapang Bakaw St., Lawang Bato ng nasabing lungsod, dahil sa tama ng bala ng shotgun sa kaliwang bahagi ng tagiliran. 

Kusang-loob namang sumuko ang suspek na si Joshua Encornal, 22-anyos, naninirahan sa Valenzuela St., Balis, San Juan City. 

Sa imbestigasyom nina SP02 Felix Viernes at PO3 Regor Germedia ng Station Investigation Unit (SIU), bandang alas-7:40 nang umaga, abala sa pakikinig ng safety seminar si Dayap sa kanilang trabaho sa Rapids Construction Site na matatagpuan sa Sapang Baklaw, Brgy. Lawang Bato, Valenzuela City. 

Mismong ang ama ng biktima na si Ferdie Da­yap ang nagsasagawa ng seminar na halos ilang hakbang naman ang layo sa guard house na kina­roroonan ng sekyung si Encornal. 

Dahil tapos na ang kanyang duty, inilagay ng suspek ang shotgun sa drawer ng lamesa, ngunit bigla itong pumutok at tinamaan ang binata

Tumulong pa si Encornal kay Ferdie para madala sa nabanggit na ospital si Mark Angelo, ngunit namatay din ito makalipas ang ilang oras. 

“Aksidente talaga kasi mabait naman ‘yung guwardiya, ang mali lang dapat hindi loaded ‘‘yung baril kapag itinatabi sa drawer,” ani SP02 Viernes. 

Kinasuhan ng homicide si Encornal.