Una sa Balita

‘Binangga kami ng mga chinese’

0 580

“BINANGGA kami!” Ito ang mariing pahayag ni Junel Insigne, ang kapitan ng barkong binangga at pinalubog ng Chinese vessel noong Linggo sa Recto Bank, malapit sa West Philippine Sea.

Si Insigne, kasama ang 21 pang mangingisdang Pilipino ay sinalubong ng kanilang mga kaanak sa San Jose Port sa Occidental Mindoro sakay ng barko ng Philippine Navy.

“Sinadya ‘yun. Eh ‘di kung hindi ano ‘yun, dapat tutulungan kami, pagkakita sa aming lubog,” sabi pa ni Insigne.

Ikinuwento nito ang nangyari bago at pagkatapos ng insidente.

Aniya, Linggo nang madaling-araw nang big­lang banggain ang kanilang barko na may ilaw habang sila ay tulog at dito na sila nagtakbuhan dahil sa unti-unting paglubog ng kanilang bangka

“Pagbalik nila akala namin tutulungan kami big­lang sumindi ‘yung ilaw na marami dahil nakita nila na lumubog na, pinatay na ‘yung ilaw, palayo na sila,” sabi pa nito

“Umikot sila binalikan kami sumindi ang ilaw, nun nakita na lubog na pinatayang ilaw uli, umatras tsaka lumayo. Buti nanduan ‘yung Vietnam, kundi patay na kami,” patuloy pang kuwento ng kapitan ng barko.

Nang tanungin sa pagsaklolo ng mga Vietna­mese, sinabi nito na nakita nila ang ilaw sa may limang milya kaya’t pinasagwan niya ang mga kasama bandang alas-tres nang madaling-araw.

Sigurado umano sila na mga Chinese ang bumangga sa kanila dahil sa gamit na super light na pamalakaya o ilaw.

Walang pamumulitika
Itinanggi kahapon ng Malacañang na pinupulitika nila ang insidente na kinasasangkutan ng Chinese fishing vessel na bumangga at nagpalubog sa sasakyan ng mga Pilipinong mangingisda sa Recto Bank sa West Philippine Sea.

“First we are not politicising that incident. What we are focusing is on the act of abandoning; not the collision itself, because collision happen in the high seas. But the act of abandoning is in violation of the UNCLOS-the United Nations Convention Law on the Seas,” sabi pa ni Presidential Spokesman Salvador Panelo sa isang interview sa ANC.

Reaksyon ito ni Panelo sa statement na ipinalabas ng China Foreign Ministry spokesman Geng Shuan­g kung saan sinabi nito na ‘ordinary maritime incident’ lamang umano ang nangyaring insidente. Iresponsable umano ang Pilipinas dahil pinopolitika ang isyu nang hindi bini-verify ang totoong nangyari.

“You don’t even need an international law provision on that. It’s a human act of lending hand to somebody in distress,” sabi pa ng chief presidential counsel.

Ipinarating na sa Palasyo ni Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhu na seryosong iniimbestigahan na ang insdente.

Kapag napatunayang may kasalanan, paparusahan – Chinese envoy
Iniimbestigahan na mga Chinese authority ang insidente ng salpukan ng dalawang bangka sa Recto Bank, Palawan na kinasangkutan ng bangkang pangisda ng mga Pilipino at Chinese.

Sa text message ni Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, sinabi nitong masusing iniimbestigahan na ang insidente.

Kapag aniya napatunayang Chinese fishing boat ang bumangga at nagpalubog sa bangkang pangisda ng mga Pilipino ay parurusahan ang mga ito at tuturuan ng tamang asal.

Bakit tahimik si Duterte?
Dumipensa ang Malacañang sa obserbasyon ng mga kritiko sa pananahimik ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isyu ng banggaan ng isang Chinese vessel at bangka ng mga mangingisdang Pilipino sa Recto Bank, kumpara sa isyu ng basura ng Canada.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na magkaiba naman ang sitwasyon sa dalawang isyu.

Ayon kay Panelo, ang isyu ng basura ng Canada ay limang taon nang pinag-uusapan sa bansa pero ang isyu ng banggaan ng dalawang bangkang pa­ngisda ay ilang araw pa lamang nangyari at nga­yon pa lamang iniimbestigahan.
Chinese vessel papanagutin

Nanindigan si Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson na dapat lamang na papanagutin ang kapitan at tripulante ng Chinese vessel na nakabangga sa Philippine fishing vessel sa West Philippine Sea.

Kasabay nito, iginiit ni Lacson na nakapagpapalala lamang sa sitwasyon ang pahayag ni Chinese Foreign Ministry Spokesperon Geng Shuang na huwag haluan ng politika ang insidente. (Aileen Taliping/Prince Golez/Dang Samson-Garcia)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy