Una sa Balita

Bilyong buwis, libong trabaho mawawala sa pagsara ng ABS-CBN

0 803

Malaking tulong para sa kaalaman ng lahat, kasama na kaming mga mambabatas, ang ­ginawang pagdinig noong Lunes sa mainit na usapin ng prangkisa ng ABS-CBN na mawawalan ng bisa sa susunod na buwan.

Nilinaw sa hearing ang mga isyung pumipigil sa pagbibigay ng bagong prangkisa.

Sabi ng National Telecommunications Commission (NTC), regulator ng mga networks, walang nilabag sa kanilang prangkisa ang ABS-CBN.

Sabi ng Bureau of Internal Revenue (BIR), walang utang na buwis ang network. Sabi ng Securities and Exchange Commission (SEC), walang paglabag sa regulasyon ang TV network at wala ring naka-bimbing reklamo laban dito.

Subalit sa kabila nito, naka-amba pa rin ang panganib na hindi i-renew ang prangkisa ng ABS-CBN. Kaya humingi tayo ng direktang kasagutan mula sa Department of Justice at NTC, sakaling hindi maipasa ng Kongreso ang prangkisa o kung walang joint resolution na ilabas para sa extension ng prangkisa, papayagan ba nilang magpatuloy ang operasyon ng TV network?

Oo ang naging tugon nila. Katulad ng mga pahintulot na dati rin nilang ibinigay sa iba pang kompanyang nag-expire ang prangkisa. Iyon naman ang marapat na gawin. Dahil ang ABS-CBN ang isa sa dalawang dambuhalang network na nag-o-operate sa Pilipinas. Hawak nito at ng katunggaling GMA 7 ang halos 80% ng merkado.

Related Posts

11,000 ang mga empleyado nila. Idagdag mo dyan ang mga indirect employees na nakikinabang sa operasyon ng ABS-CBN tulad ng mga carinderia at restaurant na nakapaligid sa kanilang opisina.

Sila ang mga indirect employees na nabiya­yaan ng pagkakakitaan dahil patuloy ang operasyon ng ABS-CBN. Kung 11,000 ang empleyado ng ABS-CBN, hindi malayong sabihin na 10 times pa nito ang indirect jobs na nalikha nila.

May tama sa ekonomiya ng bansa ang pagpapatigil sa operasyon ng ABS-CBN. Bukod sa libo-libong mawawalan ng trabaho, matatamaan din ang mga bangkong pinagkakautangan nito ng mahigit P30 bilyon. Wala silang pagkukunan ng pambayad sa mga bangko kung isasara ang kompanya.

Sa stockmarket, halos kalahati ng halaga ng ABS-CBN stocks ang bumulusok dahil sa kontrobersyang ito. 8,000 katao ang stockholder ng ABS-CBN.
Subalit ang pinakama­laking apektado sakaling mawala sa ere ang ABS-CBN ay ang 70 milyong Pilipino sa buong bansa na nakatutok sa TV. Idagdag pa d‘yan ang halos 3 milyong Pilipino abroad na subscriber ng The Filipino Channel.

Gusto ba nating madagdag pa sa pro­blema ng gobyerno ang libo-libong mawawalan ng trabaho, o gusto ba nating hayaan silang may trabaho at produktibong nakaka-ambag sa kaban ng bayan, habang patuloy na kumukulekta ng bil­yong buwis kada taon ang pamahalaan sa ABS-CBN?

Sa kabila ng mga pahayag ng NTC, BIR at SEC na walang paglabag na ginawa ang ABS-CBN, at sakaling makasilip pa ng ibang problema ang mga kontra sa prangkisa, masyadong mabigat na parusa ang pagpatay sa kumpanya. Sa mga usa­ping ganyan, multa lang ang dapat na parusa at hindi ang pagpapatigil sa operasyon.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More