Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Bilibid riot sumiklab sa asaran, 3 tigok

0 256

Sumiklab ang isang riot sa loob ng New Bilbid Prison (NBP) sa Muntinlupa City kung saan tatlong preso ang nasawi habang 14 ang sugatan nitong Linggo, ayon sa ulat ng Bureau of Corrections (Bucor).

Hindi naman inilabas ni BuCor spokesperson Gabriel Chaclag ang mga pangalan ng tatlong nasawi gayundin ang 14 na sugatan na nagtamo ng mga tama ng bala mula sa mga improvised firearm na gawa ng mga preso.

Sa inilabas na pahayag ni Chaclag, nagsimula ang riot dakong alas-6 ng gabi sa east quadrant dormitory ng Bilibid.
Nagsimula lamang umano ito sa biruan kung saan kalaunan ay may narinig nang putok mula sa improvised shotgun na naging mitsa ng kaguluhan sa loob ng NBP.

“Nagsimula lang daw ito sa kantiyawan at may pumutok na po na improvised shotgun at doon na po nagsimula ang kaguluhan dahil noong nakarinig na po ng putok hindi na nila alam kung saan nanggaling,” wika ni Chaclag.

“Yun na po kanya-kanya ng self-defense ang kanilang ginawa at kanya-kanyang labas ng armas,” aniya pa.

Mabilis naman ang ginawang pag-awat ng mga jail guard sa kaguluhan subalit inabot pa ng isang oras bago tuluyang makontrol ang sitwasyon.

Natukoy na ng BuCor ang pitong preso na pasimuno sa kaguluhan na ngayon ay dinala sa isolation area para mahiwalay sa ibang detainee habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Nasabat din ng mga tauhan ng BuCor ang ilang improvised na baril at patalim mula sa mga preso. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.