Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Biktima ng harassment sa online lending app

0 89

Magandang araw, Mga Kakampi!

Sa buhay natin, hindi natin maiiwasan na tayo’y mangutang o magpautang.

Lalo na ngayong pandemya, marami sa ating mga kababayan na nawalan ng trabaho ang nahikayat na mag-loan sa mga online lending company.

Kahit alam nila na medyo mataas ang interest rate ng ilan sa mga nagpapautang na ito, wala silang magawa kundi kumapit na lang sa patalim para matugunan ang pangangailan ng pamilya.

Pero ang masaklap, marami sa ating mga kababayan ang hindi nakapagbayad sa kanilang obligasyon sa lending app, kaya ngayon sila ay nakararanas ng harassment at pananakot.

Ito ang problemang inilapit sa Free Legal Helpdesk ng isa nating kababayan na ayaw magpabanggit ng pangalan.

Narito ang kanyang katanungan:

Magandang araw Atty. Chel. Kumuha po kasi ako sa mga online lending app, alam ko naman po malaki ang interest nila kaso wala na po talaga malalapitan, hindi ko po siya nabayaran kasi lalo lang po ako nabaon sa utang. Ngayon po lahat ng contact ko sa cellphone nag message po sila at meron pa po nananakot na ipapapatay po nila kami.

Maraming salamat sa inyong katanungan. Una, ayon sa Data Privacy Act, meron tayong karapatan na maprotektahan ang ating personal na impormasyon at masiguradong magagamit lamang ang mga ito para sa mga layuning sinang-ayunan natin.

Ang National Privacy Commission (NPC) ay ang ahensyang may mandatong siguraduhin na nirerespeto ang mga karapatang ito.

Noong Setyembre 14, 2020, naglabas na ang NPC ng abiso na tahasang nagbabawal sa online lending firm na mangolekta at gumamit ng impormasyon ng mga contacts ng mga kustomer nito (e.g. pangalan at numero), mula man sa cellphone o sa social media.

Higit pa riyan, ipinagbawal nito ang anumang paraan ng pangha-harass sa kustomer gamit ang nakalap na impormasyon mula sa contacts. Pwede kayong lumapit sa NPC para mag-file ng complaint.

Pangalawa, ang pagbabanta naman sa kaligtasan ay maituturing rin na krimen ng grave threats na pinarurusahan sa ilalim ng Section 282 ng Revised Penal Code. Maaari itong ireport sa PNP Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa kanilang Complaint Action Center/Hotline.

Pangatlo, ang gawaing ito ay itinuturing ring “unfair debt collection practice” na ipinagbabawal ng batas. Ayon sa Securities and Exchange Commission (SEC) Memorandum Circular No. 18, series of 2019, maaaring patawan ang kompanya ng multa mula P25,000 hanggang P1 milyon at maaaring masuspinde o maalisan ng permit na magpautang. Para rito naman, maaaring mag-report sa SEC sa email na cgfd_md@sec.gov.ph.

Maaaring sabay gawin ang mga report na ito, dahi iba-ibang aspeto ng sitwasyon ang nire-regualte ng mga ahensya ng gobyernong ito. Maaaring ilahad sa mga complaint kung aling mga lending companies ang pinagkautangan ninyo.

Payo ko rin sa ating mga kababayan, dapat klaro ang lahat ng terms at kondisyon bago kumuha ng loan sa isang lending company upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan.

Mas maganda kung nakasulat ang mga kondisyon upang mas madaling maayos ang problema.

-ooo-

Mga Kakampi, kung may gusto kayong malaman tungkol sa batas, bukas po ang FREE LEGAL HELPDESK para sa inyo. Pumunta lang sa facebook.com/cheldiokno at i-click ang “Send Message”. Dahil parating handang tumulong ANG ABOGADO NG MGA DEHADO!

Leave A Reply

Your email address will not be published.