Una sa Balita

Biktima ng EJK sa Bulacan, 183 na

By
0 7

Umabot na sa 183 ang biktima ng extrajudicial killing sa buong lalawigan ng Bulacan mula noong Hulyo hanggang ngayong Nobyembre at inaasahang tataas pa ang bilang na ito sa susunod na mga araw kung saan blangko pa rin ang awtoridad sa pagkakakilanlan sa nasabing grupo na target itumba ang mga tulak at kriminal.

Kumpirmadong patuloy na iniimbestigahan ng Bulacan PNP ang walang humpay na pagpaslang sa mga kilabot na drug pusher at addict na sangkot din sa ibat-ibang kasong kriminal kung saan malaking porsiyento ng mga biktima ng summary execution ay nilalagyan ng plakard na sangkot ito sa droga at iba pang iligal na aktibidad.

Nabatid na ang nasabing bilang ng biktima ng EJK ay mula lamang noong Hulyo 1 hanggang ngayong unang linggo ng Nobyembre at kabilang din sa mga napapatay ay ilang pulis na sangkot sa droga at ang mga biktima ay dinudukot at ikinakalat sa kalsada o itinutumba ng riding-in-tandem.

Kabilang sa may pinakamaraming biktima ng EJK ay ang San Jose del Monte City at Meycauayan City at hindi pa kabilang dito ang halos 40 na tulak ng droga na napapatay kada buwan ng Bulacan PNP sa mga lehitimong police operation sa 21 na bayan at tatlong lungsod sa lalawigan.